50,264 total views
Maringal na ipinagdiwang ng mananampalataya ang kapistahan ng mahal na birhen ng Santissimo Rosaryo La Naval de Manila sa kabila ng malakas na ulan at limitadong bilang ng maaaring makapasok sa simbahan noong ika-11 ng Oktubre 2020.
Pinangunahan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang pagdiriwang ng banal na misa sa National Shrine of Our Lady of the Holy Rosary sa Sto. Domingo Church Quezon City.
Sa pagninilay ng Obispo, binigyang diin nito na si Maria ang huwaran ng pag-asa, kagalingan at pagkakaisa para sa mga mananampalataya sa gitna ng nararanasang pandemya.
Inihayag ni Bishop Ongtioco na ang ipinamalas na pakikiisa ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos ang s’yang dapat na matularan ng mananampalataya upang matamo ang pagpapala ng Diyos at maibahagi ito sa kapwa.
“Dito nakikita natin ang ating mahal na ina bilang modelo kung paano tayo tumtugon makiisa sa plano ng Diyos at ang bunga nito hindi lamang ikaw ang pagpapalain ng Diyos.”pahayag ng Obispo.
Ipinaalala din ng Obispo kung gaano kahalaga na palakasin ang pananampalataya sa panahong sinusubok ang buong mundo.
Sinabi ng Obispo na ang taong walang pananampalataya, at walang inaasahan kundi ang materyal na mga bagay ay hindi magkakamit ng kaligtasan.
Dahil dito, umaasa ang Obispo na nawa ang debosyon sa mahal na birhen at pananampalataya sa Panginoon ng mga tao ay magbibigay inspirasyon sa kanilang kapwa.
“Ang inyong debosyon ay magbunga sana ng maraming biyaya at ma-inspire din ang maraming tao sa inyo.. ‘Di ba sabi ng mga kabataan sana all? Sana all ng mga tao matibay ang debosyon, pananalig kay Maria.” Dagdag pa ng Obispo.
Labis naman ang pasasalamat ni Rev. Fr. Roger Quirao, O.P. Prior ng Sto. Domingo Church dahil sa kabila ng kakaibang selebrasyon ngayong taon ay hindi pinabayaan ng Mahal na Birhen ang mga mananampalataya.
“Sadyang kakaiba ang ating pagdiriwang sa taong ito dahil sa krisis na ating nararanasan. Wala ang magagandang baldochino ng ating Mahal na Ina, wala ang karosang punong-puno ng dekorasyon, wala ang maraming taong namamanata. Ngunit alam nating lahat na tayo ay hindi pababayaan, na tayo ay patuloy nyang tutulunan at gagabayan sa pamamagitan ng mahal na birhen ng La Naval.” Pahayag ni Fr. Quirao.
Ang kapistahan ng La Naval de Manila ay ipinagdiriwang tuwing ikalawang linggo ng Oktubre. Ang imahen nito ang kauna unahang imahe ng mahal na Birhen sa Pilipinas na ginawaran ng koronasyon kanonika noong taong 1907.