166 total views
Pabor ang National Center for Commuters Safety and Protection na itaas na sa P8 pesos mula sa P7 ang pasahe sa jeep.
Ayon sa presidente ng samahan na si Elvira Medina, masyado ng maliit ang “take home” ng mga jeepney driver na hindi na akma sa kanilang pang araw-araw na gastusin dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sinabi pa ni Medina na siya mismo ang nakipag-usap sa mga operator na maghain na ng petisyon para sa “fare increase”.
“One peso hike, ako mismo nakipag-usap sa mga jeepney operators association para makiusap na magpetisyon na sila para itaas ang mapamasahe sa P8, noong elekyon P8 na yan, sila mismo ang nagpetisyon na magpababa, mukhang di makatarungan na bawasan pa natin ang kakarampot nilang kinikita lalo na at mahal ang bilihin at serbisyo, ibang iba na ang standard of living, cost of living ngayon. Ngayong sila ay magtataas, sinabi ko sa kanila na fully supported ko yan kahit ako ay concern sa mga commuters, kailangan tingin natin partnership sa lahat ng bagay, ilagay natin ang ating sarili kung ano ang dinadanas ng ating mga driver,” pahayag ni Medina sa Radio Veritas.
Samantala, tutol si Medina sa phase-out ng mga lumang jeep sa bansa lalo na at 90 porsiyento ng mga bumibiyahe ay ginawa noon pang 2000 o mas matagal pa.
Sa halip na phase out, ipinanukala ni Medina ang modernisasyon sa mga jeep dahil karamihan ng mga operators nito ay mga mahihirap din.
Sa ulat ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) noong 2015, nasa mahigit 60,000 ang public utility jeepney sa bansa.