234 total views
Madama ang habag sa sarili at sa kapwa lalo na sa mga nagkakamali at sa mga mahihirap.
Ayon kay Manila auxiliary bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, ito ang pinaka-hamon ng katatapos na 4th World Apostolic Congress on Mercy o WACOM4 sa bansa.
Dahil dito, pinayuhan ng obispo ang mga delegadong dumalo sa limang araw na pagtitipon na maging mensahero o tagapaghatid ng Mabuting Balita na narinig sa mga talks at sa witnessing sa WACOM4 sa kani-kanilang mga pinanggalingang mga bansa.
“Sa Last day ng WACOM noong January 20, ito ang araw ng commitment, dun hinamon ang mga delegado na mas madama nila ang habag ng Diyos sa kanila sa 4 days na sila’y nakikinig sa talks at sa witnessing na mas umalab sa kanilang puso na mahal sila ng Diyos, 2nd hindi lang madama nila ito kundi sila ay maging messenger o tagapagdala ng Mabuting Balita sa mga tao kasi iian lang dumalo mga 5,000 lang pero galing sila sa ibat-ibang lugar, 3rd ang message nila sila ay messenger o missionary at ang message nila ang pag ibig at habag ng Diyos lalong lalo na sa panahon ngayon sa bansa na nakakalimutan ang ideya ng Mercy o habag na kung ang Diyos ay mahabagin sa atin ay maging mahabagin din tayo sa iba lalo na sa mga nagkakamali at mahihirap.” ayon kay Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Nasa mahigit 5,000 delegado ang dumalo sa WACOM4.
Napili ang Pilipinas na mag-host sa banal na pagtitipon dahil ang mga Filipino saan mang bahagi ng mundo ang nangungunang nagdadala ng pagdedebosyon sa bawat lugar na kanilang puntahan at napapanahon ito sa paghahanda sa 500 taon ng Katolisismo sa Pilipinas sa taong 2021.