221 total views
Kailangan magkaroon ang lahat ng kamalayan na malaking problema ang culture of death na kinakaharap ng bansa.
Ayon kay Manila auxiliary bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, sa kamalayang ito dapat ding gumawa ng hakbang ang taong-bayan para makatulong sa suliranin ng kultura ng pagpatay gaya ng pagsasatinig ng saloobin sa halip na manahimik.
Sinabi ng obispo, gamitin ang boses nating lahat sa pamamagitan ng pagtutol kung saan pinakamagandang paraan ngayon ang social media.
Pahayag pa ni Bishop Pabillo, sa pagtutol sabayan ito ng debosyon sa Divine Mercy na napapanahon ngayon dahil sa mga nagaganap na hindi maganda sa bansa.
“Ang konkretong magagawa nila, una magkaroon tayo ng kamalayan na may mga problema palang ganito, baka yung iba hindi alam na may problemang ganito, so yung kamalayan mabuksan ng ating mata ang ating isip sa ganitong problema. Second, dapat tayong magpahayag. Tumutol tayo sa ganitong pangyayari, sa panahon ngayon ang social media lahat tayo makakapagpahayag lahat tayo may boses, yan ang ginagawa natin sa ating Facebook, sa email, depende sa ating kakayahan. May mga taong sila ay may impluwensiya, may tungkulin dapat yan ang labanan natin ang culture of death. Kayat napapanahon na rin ang devotion to the Divine Mercy.” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, sa nakalipas na 6 na buwan ng administrasyong Duterte, kasabay ng kampanya nito laban sa operasyon ng iligal na droga, tinatayang nasa 6,200 na ang napatay sa Oplan Tokhang kung saan mayorya dito ay maituturing na death under investigation.