160 total views
Umaasa si Kabayan Representative Harry Roque sa gampanin ng mga pari at Obispo na harangin sa Kongreso ang pagpapanumbalik ng parusang kamatayan.
Ayon kay Roque, kinakailangang ipagpatuloy ng ilang mga religious groups at leaders ang pagtutol sa death penalty lalo’t mas kilala sila sa pagsusulong ng moralidad at kahalagahan ng buhay.
Nangangamba rin si Roque na mas lalo pang lalala ang problema sa Oplan Tokhang sakaling maisabatas ang death penalty dahil maari itong magamit na panakot sa mga nasasangkot sa ipinagbabawal na gamot.
“Talagang inaasahan po namin na yung ating mga kaparian ay sila naman ay namumuno pagdating sa moralidad ay hindi titinag sa pagtutol dito sa pagbabalik ng death penalty. Nakita naman po natin na itong problema sa Tokhang na mga pulis ay lalong lalala iyan kapag ibinalik ang death penalty dahil ang panakot nila kapag sila ay nakasuhan ng droga ay puwedeng mapatawan pa ng parusang kamatayan.” bahagi ng pahayag ni Roque sa panayam ng Radyo Veritas.
Hinimok rin nito ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na binubuo ng mahigit pitumpong mga Obispo na paki – usapan ang kanilang mga kongresista sa kanilang nasasakupan na diyosesis na manindigan sa buhay sa ngalan ng kanilang pananampalataya.
“Kinakailangan talaga na i-one on one nila ang kanilang kongresista dahil sa huli ang magbabalik ng parusang ito ay mga kongresista,” giit pa ni Roque sa Veritas Patrol.
Nabatid naman sa record ng Amnesty International na nakapagtala ito noong 2015 ng pinakamataas na bilang ng mga binitay sa loob ng 25 taon na halos 54 porsyento itong mas mataas sa naitala noong 2014 o katumbas ng mahigit 1,600.
Nauna na ring hinimok ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza ang mga pari na isama sa kanilang mga homilya o pangangaral ang “culture of life” laban sa “culture of death.”
Patuloy na tinitiyak ng C-B-C-P na kaisa ng administrasyong Duterte ang Simbahan sa kampanya laban sa iligal na droga ngunit mariin nitong tinututulan ang dumaraming bilang ng “death under investigation”.
Read: http://www.veritas846.ph/simbahan-kaisa-ng-gobyerno-para-labanan-ang-iligal-na-droga/