641 total views
Mga Kapanalig, batas militar nga ba ang tanging solusyon sa mga problemang kinakaharap ng ating bayan? Sa pananaw ni Pangulong Duterte, nasa kanyang mga kamay ang sagot, at matutugunan lamang niya ang ating mga problema kung hahayaan natin siyang magpasya nang hindi na kailangan ang pagsang-ayon ng Kongreso o ng Korte Suprema.
Sa harap ng mga negosyante sa lungsod ng Davao, muli na namang pinalutang ng ating pangulo ang pagnanais niyang magdeklara ng batas militar. Wala umanong makapipigil sa kanyang magdeklara ng martial law kung ang giyera ng kanyang administrasyon kontra droga ay humantong sa mas malaláng sitwasyon. Hindi pananakop o rebelyon ang kanyang magiging dahilan upang isailalim ang bansa sa batas militar; sapat na raw ang kanyang kagustuhang pangalagaan ang kanyang bayan. Ngunit kung paniniwalaan natin ang pahayag ng Philippine National Police o PNP na nagwawagi na umano ang pamahalaan sa giyera nito kontra droga, bakit ang pagsasailalim sa atin sa batas militar ang nakikitang solusyon ng ating pangulo? Agad na kumambyo ang kanyang tagapagsalita dahil sa reaksyon ng ilan sa mga nasambit ng pangulo. Ngunit sa halip na linawin ang sinabi ng pangulo, sinisi pa nito ang media sa kanilang “misreporting” o maling pagbabalita.
Mukhang nais kumbinsihin ni Pangulong Duterte ang mga Pilipino na tanggapin ang ideya ng pagdedeklara niya ng martial law. Marahil, nabalitaan niya ang resulta ng isang survey na ginawa ng Pulse Asia na nagsasabing 7 sa 10 Pilipino ang hindi pabor sa pagdedeklara ng batas militar para lamang tugunan ang mga isyu ng bayan. Maging sa Mindanao, ang itinuturing na balwarte ng pangulo, 75 porsyento ng mga tinanong sa survey ang tutol sa pagpapasailalim ng bansa sa batas militar.
Mga Kapanalig, malagim na bahagi ng ating kasaysayan ang batas militar sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Marcos. Hindi mabubura ng mga naglalakihang gusali at imprastruktura ang malawakang paglabag ng mapaniil na pamahalaan sa mga karapatang pantao at halaga ng buhay. Hindi tunay na disiplina ang naging bunga ng mahigpit na pagpapatupad ng curfew, kundi takot at pangambang dala ng kaliwa’t kanang pagdakip at pagpatay sa mga taong nilalabanan ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga tao sa pamahalaan. Patakarang mapang-abuso ang umiral noon, dahil hindi dumaan sa tamang proseso ng batas ang pagtugis sa mga itinuturing na kalaban ng gobyerno. Pinatahimik ang malayang media noon, kaya’t ang tatlong pahayagang kontrolado ng pamahalaan lamang ang tanging tagapaghatid ng balita, mga balitang ang tanging ipinakikita ay ang mga magagadang ginagawa ng administrasyon. Binuwag ang Kongresong dapat sana’y magbabalanse sa kapangyarihan ng ehekutibo. Marangya ang naging pamumuhay ng pamilya Marcos at ng kanilang mga kakampi at cronies, samantalang milyun-milyong pamilya noon ang lugmok sa kahirapan.
Mga Kapanalig, ang mga tumututol sa batas militar ay hindi lamang inuudyukan ng matinding emosyong dala ng lagim ng rehimeng Marcos. Ito ay bunga ng malalim na pangamba na muling malagay sa alanganin ang mga karapatang pantao, na mahalagang bahagi ng ating dignidad bilang mga tao.
Kinikilala ng Simbahan ang kahalagahan ng pagtataguyod ng mga karapatang pantao. Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Santa Iglesia na ang mga karapatang pantao ay nakaugat sa dignidad na angkin ng bawat isa sa atin. Sa ilalim ng mapang-abusong batas militar, hindi natin matitiyak na maitataguyod ang karapatang mabuhay, kalayaang makapagpahayag ng sariling opinyon, at karapatang malaman ang tunay na katotohanan.
Bilang mga Kristiyano, tandaan nating ang mga karapatang pantao ay para sa lahat, dahil na rin sa ating pagkakapantay-pantay sa harap ng Panginoong lumikha at nagbigay ng dangal sa atin. Madungisan man tayo ng kasalanan, tinubos at iniligtas tayong lahat ni Hesukristo. Samakatuwid, anumang banta sa karapatang pantao at dignidad ng tao ay marapat lamang na tutulan.
Sumainyo ang katotohanan.