265 total views
Nilinaw ni Father Robert Reyes, Spokesperson ng religious group na Gomburza, isang national movement ng mga religious, diocesan priests, sisters at laity na ang 9 na araw na pagkilos ng grupo bago ang anibersaryo ng People Power Revolution ay bukas sa lahat ng mga relihiyon.
Ayon sa Pari, may bahagi sa 9 na araw na pagkilos na may titulong “Dasal at Ayuno Laban sa Cha-Cha, Para sa Demokrasya: Pag-amin, Pagtitika, Pagbabago at Pagkakaisa” ang tahimik na pananalangin sa lugar kung saan maaring makibahagi ang mga mayroong ibang paniniwala at pananampalataya.
Dagdag pa ni Father Reyes, maari ring maglagay ng ibang mga religious symbol sa isang altar na sumisimbolo ng pagkakaisa ng mga Filipino para sa paninindigan sa karapatan ng mga Filipino.
“Ang format nito ay may panahon na uupo lang tayo sa isang tahimik na lugar at yung mga religious signs ng Katoliko, Muslim pwede naming ilagay sa isang altar yan, diba Bibliya, Cruxifix saka Koran and other religious symbol. This is not a monopoly of the Catholic Church ang Filipino naman ay iba iba ang ating pananampalataya pero ito ay paghamon sa lahat ng mga relihiyon na magsama-sama at hanapin ang kapayapaan at ang tamang solusyon sa pagkakahati-hati ng ating bansa ngayon…”pahayag ni Father Reyes sa panayam sa Radyo Veritas.
Kabilang sa mga napiling paksa para sa 9 na araw na pagkilos ang mga usapin ng Human Rights; kalagayan ng kalikasan, mga katutubo; mga mangingisda, mga magsasaka sa ilalim ng Agrarian Reform; labor Issues; Youth; Women and Gender; Soberenya; kalagayan ng mga mahihirap at ang umiiral na demokrasya sa ating bansa.
Layunin ng pagkilos na mag-alay ng panalangin at pag-aayuno sa loob ng 9 na araw sa mismong People Power Monument (PPM) na sumisimbolo sa naging pagkakaisa ng sambayanang Pilipino upang labanan ang diktadurya 32-taon na ang nakakalipas.