1,026 total views
“Sa bawat paghampas ko sa aking likuran alam kong napapalapit ako sa Diyos , at sa mga patak ng aking dugo alam kong napatawad na ako sa aking mga kasalanan at dininig na ng Panginoon ang aking panalangin”
-Mang Ramon
Sampung taon na nagpipinitensiya si Mang Ramon (hindi tunay na pangalan) isang mekaniko, 47 taong gulang may asawa at apat na anak. Ayon kay mang Ramon ang kanyang pagpepenitensya ay udyok ng masaklap niyang karanasan.
“Nalulon ako sa Pinagbabawal na Gamot. Napabayaan ko ang aking Pamilya sa loob ng pitong taon hanggang magkasakit ng malubha ang aking asawa. Doon ako ginising ng Diyos. Mahal na araw noon, halos mawalan na ako ng pag-asa. Isang matinding panalangin ang inalay ko sa Panginoon. Biyernes Santo, nagsimula ako sa ritwal ng paghampas. Sa bawat dugong dumadaloy ay pagpatak ng aking luha ng pagsisisi. Humiling ako na pagalingin ang aking mahal na asawa at tatalikuran ko lahat ng masama kong bisyo. At sa awa at mabuting grasya ng Diyos bumuti ang lagay ng asawa ko at nagkaroon pa ako ng maayos na trabaho. Mabait ang Diyos”. Kwento ni mang Ramon.
Ito ay ilan laman sa patotoo ng daan daang namamanata sa pamamagitan ng Penitensya. Kaakibat ang matinding intensyon at malalim na pananalig sa Panginoon. Ganyan talaga siguro magmahal at mangako ang Pinoy. Papatunayan ang pangako sa pamamagitan ng isang matinding sakripisyo, kusa at hindi pinilit. Katulad ng ritwal ng penitensya, hindi lubos maiintindihan ng ilan dahil ito ay may matinding dahilan mula sa namamanata.
Pero ano nga ba ang pinagmulan ng Penitensya at bakit nagpepenitensya?
Daang taon na ang lumipas sa impluwensya ng kastilang mananakop, nagsimula ang kultura ng penitensya . Ang penitensya ay kilala sa tawag na penitente o pagbabalik loob sa pamamagitan ng kumpisal. Pero hindi ito kasing dali sa kumpisal ngayon. Dahil kailangan munang patunayan ng nangumpisal ang taus pusong pagsisisi sa pamamagitan ng pangmatagalang pagsasakripisyo. Katulad ng pagbabantay sa simbahan, pag aalay ng dasal sa mga nagsisimba. Kadalasan ito ay umaabot ng ilang taon bago mapatunayan na ang penitente ay lubos na nagsisisi.
Paglipas pa ng ilang taon, may mga kristiyanong pinapasakitan ang sariling katawan para patayin ang pagnanasa ng laman. Hanggang hindi naglaon, nagkaroon ng kanya kanyang intensiyon ang paraan ng pamamanata.
Bagamat hindi pinagbabawal ng simbahang Katoliko ang pagpepenitensya , hindi naman hinihikayat ang individual na pahirapan ang kanilang sarili .
Ang tunay na mensahe ng kwaresma ay ang pagsisisi mula sa kasalanan, pagbabago ng masamang ugali, at pagkakawanggawa. Nirerespeto ng simbahan ang pagpapanata kung ito ay may kaakibat na pagbabagong buhay hindi lamang sa loob ng isang araw kundi pangmatagalang pagbabago. Kagaya ng kaso ni mang Ramon , namanata sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa Diyos.
Hindi rin naman natin matutuligsa ang kultura, dahil ito ay nakatatak na sa pagkakakilanlan ng ating bansa. Pero ang taimtim na pagsasagawa nito ay wag sanang katisuran ng mga mananampalataya. Napakahalaga ng pagpapapaala-ala sa ilan na nailihis na ang panata at nagiging panlabas na lang na nakagawian. Ang tao ay makakasunod sa Panginoong Hesukristo hindi lang sa paghampas at pagpapahirap sa sarili, kundi sa paggawa ng mabuti at kalugod lugod sa Diyos. Dahil ang pagbabago ay hindi pang isang araw lang, ang pagbabago ay gagawin para sa lalong ikadadakila ng ating Panginoon.