199 total views
Hindi pa rin sapat ang kahandaan sa sistemang pangkalusugan ng Pilipinas upang mapangalagaan ang mamamayan laban sa patuloy na epekto ng coronavirus disease sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Peter Julian Cayton, PhD, Statistics Associate Professor ng University of the Philippines – Diliman bunsod ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 lalong-lalo na sa NCR plus bubble na sakop ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
“Meron talagang pagtaas ng mobility ng tao noong mga nagdaang [buwan] dahil unti-unting nagluluwag tayo ng ekonomiya. Dumarami ‘yung tao sa labas para makapagtrabaho, para makapamili ng mga pangangailangan,” pahayag ni Cayton sa programang Barangay Simbayanan.
Ipinaliwanag ni Cayton na sa kabila ng umiiral na krisis pangkalusugan, hindi pa rin maiwasan ng mga tao na lumabas ng kanilang mga tahanan upang makapag-hanapbuhay at maghanap ng makakain.
Ito ang tinitingnang dahilan ng muling pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa nakahahawang sakit na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin mahanapan ng lunas at patuloy na nagpapahirap sa marami.
“Hindi naman masamang pumunta sa mga grocery especially sa pangangailangan, pero hindi handa ‘yung ating mga prevailing systems sa healthcare, sa contact tracing, sa testing para ma-accommodate ‘yung suddenly pagtaas nung mobility back to pre-pandemic levels na kung saan ang typical reason naman ay for survival, for essential needs,” paliwanag ni Cayton.
Samantala, panawagan naman ni Cayton na nawa’y mas bigyan pang pansin ng pamahalaan lalo’t higit ng Department of Health ang pagsasaayos at tamang pagtatala ng datos ng mga nagkakaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito’y upang lubusang maunawaan ng mga tao ang katotohanan sa estado ng nakahahawa at nakamamatay na sakit bilang dagdag na kaalaman hinggil sa patuloy na pag-iral ng pandemya.
“Kahit [na] primary data source ang DOH, dapat ay maging maingat sila kung paano inaayos ang datos na natatanggap nila. Nauunawaan namin na mahirap iyon kasi nga marami silang hawak ngayon. Sila rin ang primerong departamento para sa pag-response sa COVID-19. sila rin yung humahawak ng datos, marami silang responsibilidad,” ayon kay Cayton.
Batay sa pag-aaral, dalawa sa tatlong naitatala ng DOH na gumagaling mula sa COVID-19 ay walang date of recovery.
Ito ang tinitingnang isang malaking pagkukulang ng ahensya sa kanilang COVID-19 Recovery Data Set kung saan kadalasang ito’y “delayed” o hindi kaya’y kulang ang naitatalang datos ng mga gumagaling sa nasabing sakit.
Sa huling tala ng DOH, umabot na ngayon sa 1,037,460 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan nasa 946,318 ang kabuuang bilang ng mga gumaling at 17,234 naman ang kabuuang bilang ng mga nasawi.