58,873 total views
Mga Kapanalig, umani ng batikos si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa kanyang insensitibong komento sa itsura ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña. Kasama si Reprepresentaive Cendaña sa grupong nag-endorso ng unang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte. Kilala namang malapít na kaalyado ng mga Duterte si Senador Bato.
Kinutya ng senador ang hindi pantay o, sa kanyang mga salita, “ngiwing” mukha ni Representative Cendaña. Sinabihan pa niya ang congressman na lumapit sa kanya para “sapakin” nang “mabalanse” ang mukha niya. Lingid sa kaalaman ng senador, stroke survivor ang kongresista. Hinamon ni Representative Cendaña na gamitin na lamang ng senador ang kanyang “tapang” sa paglaban sa panggigipit ng Tsina sa West Philippine Sea. May saysay din daw ang tapang ni Senador Bato sa pagharap sa International Criminal Court na nag-iimbestiga sa war on drugs nila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi ikinatuwa ng marami ang naging biro ng senador laban sa kongresista.
Para kay dating Senadora Leila de Lima, tahasan itong pambabastos, lalo na sa isang taong buong tapang na humarap sa matinding hamon sa kalusugan. Dagdag pa niya, hindi tamang kilos para sa isang lingkod-bayan ang ginawa ng senador. Aniya, “ang isang senador na nagsusulong ng karahasan, kahit sa biro, ay hindi naaayon sa tungkuling dapat niyang ginagampanan.”
Para naman sa grupo ng mga doktor at health advocates, insulto ang mga pahayag ng senador sa dignidad ng mga taong may kondisyong pangkalusugan. Pinalalakas daw nito ang pagkakahon o stereotyping sa mga may katulad na kondisyon ni Representative Cendaña. Lantarang pagsasantabi ito sa mga taong may karamdaman. Salungat din daw ito sa pagsusulong ng isang lipunang may paggalang sa lahat ng tao, dahil minamaliit ng ganitong mga pananalita ang pinagdaraanan ng mga taong may karamdaman.
Humingi naman ng tawad ang senador. Nadala lang daw siya ng emosyon. Tinanggap naman ng kongresista ang paumanhin ng senador. Para kay Representative Cendaña, mainam kung hihingi rin ng tawad ang senador sa iba pang stroke survivors. Hindi naman daw siya maramdamin pero ibang usapan na kung binabantaan ng mga nasa pamahalaan ang ibang tao at ginagawang biro ang kapansanan. Dapat daw manatiling makatwiran at makatao ang ating mga pulitikal na pag-uusap. Ang pagpapanagot o accountability ay hindi dapat tingnang pamemersonal sa indibidwal kundi karapatan at tungkulin ng mga mamamayan.
Katulad ng sinabi ni Pope Francis sa World Day of Peace noong 2019, mahalaga ang buhay-pulitika sa pagbubuo ng mga komunidad at institusyon. Ngunit kung hindi ito ituturing bilang paglilingkod, magiging daan ang pulitika tungo sa pang-aapi, pagsasantabi, at pagkasira. Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang responsableng pamumuno ay pagsasabuhay sa mga katangian o virtues na ginagawang posible ang paggamit sa kapangyarihan para maglingkod. Ilan sa mga katangiang ito ay kababaang-loob, kahinahunan, pagkakawanggawa, at pagiging bukás-palad.
Sa madaling salita, walang puwang dapat sa buhay-pulitika ang mga pananalitang ginagawang biro ang karahasan at ang karamdaman o kapansanan ng mga tao. Bilang mga inihilal ng taumbayan, mabigat ang tungkulin ng mga lingkod-bayan, gaya ni Senador Bato, sa pagsigurong ang ating mga espasyong pampulitika ay walang karahasan, pangungutya, at pagsasantabi, lalo na sa mga may kapansanan at karamdaman.
Mga Kapanalig, ipinaalala ni Hesus sa Marcos 9:35: “Sinumang nais maging una, siya’y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.” Makita nawa natin sa ating mga pinuno—mula sa kanilang mga pananalita hanggang sa gawa—ang pagiging huli at lingkod sa lahat ng pagkakataon. Huwag tayong mapagod na paalalahanan ang mga lingkod-bayang nakalilimot na walang puwang ang karahasan at pangungutya sa dalisay na layunin ng pulitika.
Sumainyo ang katotohanan.