Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Hindi biro ang krisis sa klima

SHARE THE TRUTH

 57,399 total views

Mga Kapanalig, natapos noong isang linggo ang ika-19 na Conference of Parties (o COP 29). Ang COP ay taunang pagpupulong ng mga opisyal ng pamahalaan ng iba’t ibang bansa, kinatawan ng mga NGOs, at eksperto mula sa mga bansang pumirma sa United Nations Framework Convention on Climate Change (o UNFCCC). Ang nagdaang COP ay kilala bilang “Finance COP” dahil pangunahing pinag-usapan doon ang tinatawag na New Collective Quantified Goal (o NCQG) in Climate Finance. Ito ay ang pondong bubuuin ng UNFCCC para tulungan ang mahihirap na bansa sa climate change adaptation and mitigation strategies

Matapos ang halos dalawang linggong talakayan, 300 bilyong dolyar taun-taon ang napagkasunduang NCQG. Pag-aambagan ito ng mayayamang bansa hanggang 2035. Mas mataas ito sa unang taunang goal na 100 bilyong dolyar na pinagkasunduan noong 2009. Para sa executive secretary ng UN Climate Change na si Simon Stiell, sa halos tripleng inilaki ng target, maituturing itong “breakthrough agreement” at “insurance policy” para sa sangkatauhan. Aniya, makatutulong daw ito sa maraming mahihirap at vulnerable na bansa sa pagtugon sa climate change

Pero para sa mga bansang benepisyaryo ng pondong ito, insulto ang taunang 300 bilyong dolyar kumpara sa laki ng mga kinakaharap nilang suliraning dala ng krisis sa klima. Kabilang sa mga bansang ito ang Alliance of Small Island States o mga bansang namimiligrong lumubog dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig-dagat; ang Least Developed Countries o ang pinakamahihirap na bansang may maliit na resources para harapin ang mga kalamidad; at ang G-77 o ang pitumpu’t pitong developing countries, kabilang ang Pilipinas. Nitong mga nakalipas na buwan lamang, naramdaman natin ang matinding epekto ng climate change sa magkakasunod na bagyong bumayo sa ating bansa.  

Paliwanag ng mga bansang ito, layunin ng NCQG na magkaroon ng makatotohanang finance goal ang UNFCCC para sama-samang tugunan ang krisis sa klima. Ang mungkahi nilang goal ay 1.3 trilyong dolyar taun-taon. Kaya sa 300 bilyong dolyar, ang tanong nila: biro ba ang kanilang pinagdaraanan? Sa dami ng namamatay at ari-ariang taun-taong nasisira, hindi biro ang matitinding epekto ng climate change. Anila, kung isasaalang-alang ang inflation rate, mas maliit pa ang NCQG sa unang 100 bilyong dolyar kada taon na pinagkasunduan mahigit isang dekada na ang nakararaan. Ayon kay Greenpeace Philippines campaigner Virginia Benosa-Lorin, pagtataksil ito sa climate justice at sampal sa mahihirap na bansa. Kinaladkad daw tayo sa isang krisis na sa totoo lang ay bunga ng mga gawain ng mayayamang bansa katulad ng paggamit nila ng maruruming pinakukunan ng enerhiya gaya ng fossil fuels

Para kay Bishop Gerry Alminaza ng Diocese of San Carlos, hindi lamang ito “policy oversight” kundi isang “moral failing” din. Ang bagong climate finance goal ay maituturing na kabiguang piliin ang tama at mabuti. Aniya, “[t]he time to end fossil fuel dependency is now. The time to deliver climate finance commitments is now. Anything less is a betrayal of our responsibility as stewards of life.” 

Sang-ayon ang sinabi ni Bishop Alminaza sa mga panlipunang turo ng Simbahan na itinalaga tayong mga tao bilang tagapangalaga ng ating mundo. Hinahamon tayo sa Genesis 2:15 na “pagyamanin at pangalagaan ito.” Magagamit ang mas malaking pondo para isalba ang naghihingalo nating mundo at para mabigyang katarungan ang mahihirap na bansang sumasalo sa mga mas matitinding epekto ng krisis sa klima. Pero hindi ito ang nakamit sa COP 29. 

Mga Kapanalig, katulad ng sinasabi sa Laudato Si’, ang totoong ecological approach ay palaging social approach. Kailangang isaalang-alang ang katarungang panlipunan upang marinig natin ang pag-iyak ng mundo at ang pagtangis ng mahihirap. Nasa gitna ng krisis ang ating planeta at ang mahihirap. Hindi ito biro. 

Sumainyo ang katotohanan.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Apela sa bagong housing czar

 7,767 total views

 7,767 total views Mga Kapanalig, kasama si dating Secretary Jerry Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (o DHSUD) sa mga nagpasa ng courtesy

Read More »

Panagutin naman natin sila

 21,203 total views

 21,203 total views Mga Kapanalig, may mga kababayan tayong ang tingin sa impeachment trial para dinggin ang mga reklamo laban kay Vice President Sara Duterte ay

Read More »

CLIMATE CRISIS

 38,053 total views

 38,053 total views Nakakalungkot Kapanalig, tila hindi natin nauunawaan ang “climate crisis”, o nauunawaan man natin, wala lang tayong pakialam? Ito po ay sitwasyon na nagbabadya

Read More »

NUMERO

 49,344 total views

 49,344 total views Kawawang mga Pilipino, ganito lang tayo tinitingnan ng mga politiko sa panahon ng eleksyon, pagkatapos ng halalan… walang na tayong numero… wala na

Read More »

SPECIAL ANNOUNCEMENT

One Godly Vote
Simbahan at Halalan - Mid Term Election 2025
Click Here
Jubilee Pilgrimage
Veritas Eucharistic Advocate Pilgrimage
Click Here
Previous slide
Next slide

Related Story

Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

Apela sa bagong housing czar

 7,768 total views

 7,768 total views Mga Kapanalig, kasama si dating Secretary Jerry Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (o DHSUD) sa mga nagpasa ng courtesy

Read More »
Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

Panagutin naman natin sila

 21,204 total views

 21,204 total views Mga Kapanalig, may mga kababayan tayong ang tingin sa impeachment trial para dinggin ang mga reklamo laban kay Vice President Sara Duterte ay

Read More »
Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

CLIMATE CRISIS

 38,054 total views

 38,054 total views Nakakalungkot Kapanalig, tila hindi natin nauunawaan ang “climate crisis”, o nauunawaan man natin, wala lang tayong pakialam? Ito po ay sitwasyon na nagbabadya

Read More »

Latest Blogs

Scroll to Top