408 total views
Higit na apektado ang mga Muslim sa nagaganap na kaguluhang kagagawan ng Maute Group.
Ito ang binigyan diin ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña dahil 10-porsiyento lamang ng mahigit sa 300-libong populasyon ang mga Kristiyano na naninirahan sa lungsod.
Nilinaw rin ng Obispo hindi dapat iugnay ang karahasan dulot ng Maute group laban sa mga Muslim bagama’t ang mga bandido ay kanilang kalahi.
“Yung relasyon natin sa majority of the Muslim are sweet loving. Kaya sabi ko we have to distinguish. We will not generalize kasi sa situation like this lalo na kapag, dati mayroon tayong mga biases and prejudices against them. Minsan gini-generalize natin ang gumawa nito. Alam natin ang gumawa nito ay mga extremist. Hindi rin katanggap tanggap sa mga Muslim. In fact, they are condemning what they did to our church, what they did to some schools,” ayon kay Bishop Dela Peña sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Ayon pa kay Bishop Dela Peña, marami sa mga Muslim partners sa dialogue ay pare-pareho ang layunin para i-develop ang komunidad at patatagin ang relasyon sa pamamagitan ng interfaith dialogue.
Inihayag ng Obispo na bunsod ng Marawi siege ay lalo pang umigting ang pakikipagkaibigan at pakikipagkapwa ng mga Kristiyano sa mga Muslim.
Naniniwala ang Obispo na ang pangyayari ay hindi isang pag-uusig sa mga kristyano, kundi pagpaslang sa ating kapwa Filipino.
Naniniwala naman si Iligan Vice Mayor Jemar Veracruz na hindi labanan sa pagitan ng Muslim at Kristiyano ang nagaganap na digmaan sa Marawi City.
Giit ni Veracruz, matagal ng may ugnayan ang mga religious leaders ng magkabilang grupo at nabubuhay ng magkasama sa kabila ng pagkakaiba.
Sa kabila ng kaguluhan, umaasa ang Obispo na matatapos din ang paghihirap sa tulong na rin ng mga taong nagmamalasakit.
Sa isang panalangin, nagpapasalamat pa rin si Bishop Dela Peña sa Panginoon at umaasang magtatapos na ang kaguluhan sa lalong madaling panahon para sa muling pagbangon ng Marawi.
(Prayer) “God our loving Father, We thank you for each new day that You have given us. Nagpapasalamat kami sa magandang umagang binigay niyo sa amin. Very quiet ang aming kapaligiran sa ngayon at ito ay… we take this, tinatanggap namin ito bilang pahiwatig na sana ang araw na ito ang magdadala sa amin ng magandang balita tungkol sa kaganapan sa Marawi na sana matigil na ang kaguluhan doon. Matigil na ang giyera at makabalik na tayo sa dating pamumuhay na mapayapa at sana lahat tayong mga Filipino na nagmamahal sa kalayaan ay manalangin din para maibalik sa atin ang tunay na kalayaan. Maging malaya tayo sa ganitong karahasan. Maging malaya tayo sa pangangamba, sa takot at sa ganitong pangangamba natin tungkol sa mga terorista. Magiging ligtas tayo sa mga panganib at iba pang mga natural na kalamidad. Panginoon, ito ang aming dasal. Ito ang aming panalangin sa inyo na sana maibalik na sa amin yung kapayapaan na handog ninyo para sa amin. Sana gabayan niyo po kami sa aming pagsisikap na maibalik ang katahimikan at kapayapaan sa aming lugar.”panalangin ni Bishop dela Pena.