352 total views
Mga Kapanalig, habang dapang-dapa ang ating mga magsasakang kababayan sa Gitnang Luzon matapos ang Bagyong Karding, ang kalihim ng Department of Agriculture na mismong si Pangulong Bongbong Marcos, Jr ay lumipad pa-Singapore upang manood ng karera ng mga sasakyan.
Hindi malinaw kung opisyal na pagbisita o personal na bakasyon kasama ang kanyang pamilya ang ginawa ng presidente. Hindi nga rin ito inanunsyo; nalaman na lang nating nandoon ang pangulo nang kumalat na ang mga larawan nila sa social media. Idinaan ni PBBM sa isang tweet ang pagpapaliwanag ng kanyang pagbiyahe sa Singapore. Aniya, daan daw ang Formula 1 Grand Prix upang makadaupang-palad ang mga foreign dignitaries at maengganyo ang mga negosyanteng mamuhunan sa Pilipinas.
Abangan natin kung mamumunga nga ba ang maluhong biyahe ng pangulo at kanyang pamilya ng mga negosyong magbibigay ng hanapbuhay sa milyun-milyong walang trabaho sa bansa. Tingnan natin kung paano maiaangat ng panliligaw niya sa mga negosyante habang nanonood ng karera ang naghihikahos na sektor ng agrikultura, lalo na pagkatapos ng isang super bagyo. Subaybayan natin kung paano nito mapaluluwag ang paghihigpit ng sinturon ng karaniwang Pilipino sa gitna ng matataas na presyo ng mga bilihin at pamasahe.
Mukhang malaki pa naman ang ginastos sa biyaheng iyon sa Singapore ni PBBM. Ang halaga ng tinatawag na “exclusive access” sa naturang karera, kung saan nasa isang magandang puwesto ang mga manonood at magsasawà sila sa masasarap na pagkain at inumin, ay naglalaro sa ₱72,500 hanggang ₱406,000. Ginamit pa nila ang presidential jet na G280 Gulfstream, na wala namang problema kung ginamit ito sa isang opisyal na lakad. Pero hindi biro ang gastos para sa paggamit nito. At siyempre, kailangan din nilang matulog doon, at hindi uubra ang ordinaryong hotel para sa kanila.
Kung sariling pera nila ang ginamit sa pagpunta sa Singapore, hindi kaya ito maituturing na paglabag sa Section 4 ng Republic Act 6713 o Code of Conduct for Government Officials and Employees? Nakasaad ditong ang pamumuhay ng sinumang opisyal at kawani ng gobyerno, pati na ng kanilang pamilya, ay dapat simple at angkop sa kanilang posisyon at tinatanggap na sahod. “Public officials and employees and their families shall lead modest lives appropriate to their positions and income. They shall not indulge in extravagant or ostentatious display of wealth in any form.” Ngunit hindi naman ito talaga siniseryoso ng ating mga tinaguriang lingkod-bayan.
Kung pera naman ng bayan ang pinanggastos nila, mas may karapatan tayong alamin kung ano ang layunin ng tila ba patagong pagpunta roon ng pangulo at ng kanyang pamilya. Magkano ang kabuuan nilang gastos? Sinu-sino ang mga ginastusan ng perang pinag-ambag-ambagan nating mga nagbabayad ng buwis? At wasto at angkop nga ba ang ginawa nilang ito gayong hindi pa nga humuhupa ang baha sa mga bayang sinalanta ng bagyo? Sa Code of Conduct for Government Officials and Employees, sinasabi ring “public officials and employees shall always uphold the public interest over and above personal interest.”
Nagkukulang na nga ba talaga tayo ng mga pulitikong inilalarawan ni Pope Francis sa kanyang liham na Fratelli Tutti na tinawag upang pagsilbihan ang mga taong nangangailangan? Wala na nga ba tayong mga lider na handang akuin at gampanan ang kanilang tungkulin sa mga sitwasyon ng pagsasantabi at paghihirap?[3] Lubhang bihira na nga ba ang mga pulitikong handang maging alipin at maglingkod sa iba upang maging dakila, gaya ng mababasa natin sa Mateo 20:26-27?
Mga Kapanalig, itaas natin ang ating pamantayan sa ating mga piniling pamunuan ang ating bayan. Hindi sila mga hari o reynang pinagsisilbihan at binibuhay ng ating dugo’t pawis. Sila ay ating mga lingkod-bayan at tayo ang kanilang boss.