1,926 total views
Palm Sunday of the Lord’s Passion Cycle C
Alay Kapwa Sunday
Is 50:4-7 Phil 2:6-11 Lk 12:14-23:56
Ngayon araw nagsisimula na ang Semana Santa, ang pinakabanal na linggo sa buong taon. Ito ang pinakabanal na linggo kasi mangyayari ngayong linggo ang misterio pascal, ang pinakasentro ng ating kaligtasan: ang pagpapakasakit, pagkamatay at pagkabuhay ni Jesus. Sa pangyayaring ito itatawid tayo ng Diyos mula sa pagkaalipin sa kasalanan patungo sa kalayaan ng pagiging mga anak ng Diyos, mula sa kamatayan patungo sa bagong buhay, mula sa kadiliman ng kasamaan patungo sa liwanag ng kabutihan, mula sa kasinungalingan ng mundo tungo sa katotohanan ng kaligtasan.
Pinapakita din sa atin sa linggong ito kung sino tayo bilang mga tao at kung sino si Jesus. Bilang mga tao, madali tayo magbago. Hindi tayo stable. Isang araw sumisigaw tayo ng masaya: “Hosanna sa kaitaasan! Purihin ang dumadating sa ngalan ng Panginoon.” Nagwawagayway pa tayo ng palaspas upang i-welcome siya. Pero pagkaraan ng ilang araw, sisigaw tayo: “Ipako siya sa krus! Wala kaming hari kundi ang Cesar. Ipako siya sa krus!” Bilang mga tao madali magbago ang ating isip at ang ating ugali. Pero si Jesus ay nanatiling tapat. Naging masunurin siya hanggang sa kamatayan sa krus. Narinig natin ang kanyang sinabi sa ating unang pagbasa: “Hindi ako tumutol ng bugbugin nila ako; hindi ako kumibo nang ako’y kanilang insultuhin. Pinabayaan ko sila na bunutin ang buhok ko’t balbas, gayon din ng lurhan nila ako sa mukha.”
Tayong mga tao, ang hamon natin kay Jesus at ang concern natin ay ang sariling kapakanan. Iyan ang sabi ng mga leaders ng mga Hudyo: “Tingnan natin kung ililigtas niya ang kanyang sarili kung siya nga ay ang Kristo ng Diyos.” Iyan din ang sigaw ng mga kawal: “Kung ikaw ang hari ng mga Hudyo, iligtas mo ang sarili mo.” Pati na ang salarin na nakapako din sa krus ay nagsalita: “Hind ba ikaw ang Kristo? Iligtas mo ang iyong sarili!” Iyan ang hinahanap nating mga tao: ang ating sarili, na maging maayos tayo, na maligtas tayo. Nakasentro tayo sa ating sarili. Ayaw natin ng sakripisyo. Iba ang concern ni Jesus sa krus: hindi ang sarili kundi ang iba. Kaya ang dasal niya sa pumapatay sa kanila: “Ama, patawarin mo sila sa kanilang mga kasalanan. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” Siya pa ang nagbigay ng dahilan bakit sila patawarin. Malapit na siyang malagutan ng hininga pero nakapagsalita pa siya sa salarin na nasa kanan niya: “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa paraiso.” Ang concern niya ay ang isang makasalanan na humihingi ng awa. Buong tiwala niyang ipinaubaya ang sarili niya sa Ama. Hindi siya nagalit na pinabayaan sila. Sabi niya: “Ama, sa iyong kamay ipinagkatiwala ko ang aking kaluluwa.” Namatay si Jesus na hindi galit, na hindi takot, na hindi ang sarili ang iniisip kundi ang iba. Namatay siya na may tiwala sa Diyos na kanyang Ama. Dahil dito napapabanal tayo ng linggong ito. Si Jesus at ang kanyang pag-aalay ang nagpapabanal sa atin.
Napakahalaga ng linggong ito. Holy Week ngayon. Semana Santa. Huwag po nating sayangin ito sa anu-ano mang lakad. Ituon natin ang ating attention kay Jesus, ang ating manliligtas. Hindi ito panahon ng pagbabakasyon o pag go-good time o pagpunta sa beach. Upang mabigyang halaga ang linggong ito, makiisa tayo sa mga gawain ng simbahan. Ang mga ito ay tumutulong sa atin na magnilay, magdasal at magpenitensiya. Makiisa tayo sa mga recollections na inaalok sa atin. Kahit na sa on-line o sa Radio Veritas o sa TV Maria o sa EWTN ay may mga recollections. Magbigay tayo ng panahon na mangumpisal. Sumali tayo sa mga pagbasa ng Banal na Pasyon. Magsimba tayo na Huwebes Santo sa Misa ng Huling Kapunan at manatili tayo sa simbahan ng magtanod hanggang hating gabi. Sumabay tayo sa paggawa ng Daan ng Krus. Sumali tayo sa pagsamba sa Krus ni Jesus sa pagdiriwang ng kamatayan ng Panginoon sa Biernes Santo. Mag-ayuno tayo sa Biernes Santo. Sumabay tayo sa prosisyon ng Banal na Labi ni Jesus. Higit sa lahat, makiisa tayo sa pagdiriwang ng pagkabuhay ni Jesus sa gabi ng Sabado. Ito ang pinakamalahaga at ang pinakamagandang pagdiriwang sa buong taon. Mayroon ding Salubong o Encuentro na maaari nating daluhan. Magsimba tayo sa araw mismo ng Linggo ng Pagkabuhay. Nakita ninyo, marami ang maaaring gawin sa Banal na Linggo na ito. Huwag natin sayangin ang linggong ito. Sana sa mga pagdiriwang na ito mas lalo nating ma-appreciate ang pag-ibig ni Jesus para sa atin. Mabigat ang kanyang itinaya para tayo maligtas. Pahalagahan natin ang kaligtasang ito na napapasaatin dahil sa tayo ay binyagan. Ang ating binyag ang ating pakikiisa sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus.
Ano ang magiging bunga ng ating pakikiisa sa mga gawaing ito? Mas maging mapagmahal at matulungin sa ating kapwa. Ang pag-ibig ng Diyos ay nagdadala ng pag-ibig sa kapwa.
Ngayong Linggo ay Alay Kapwa Sunday. Ang lahat ng nalikom natin dahil sa ating pagpepenitensiya ay ilalagay natin sa second collection natin para sa Alay Kapwa. Ang pondong ito ay para sa mga kapatid natin na nangangailangan, lalo na pagdating ng mga kalamidad na madalas dumating sa atin. Maglikom tayo ng pondo para makatulong sa mga nangangailangan.