12,790 total views
19th Sunday in Ordinary Time Cycle B
1 Kgs 19:4-8 Eph 4:30-5:2 Jn 6:41-51
May mga panahon sa buhay na tayo ay nanghihina na o nalilito, at ayaw na nating magpatuloy sa ating ginagawa. Gusto na lang nating tumigil at tumalikod na lang. Nangyari ito kay propeta Elias. Kahit na mag-isang propeta lang siya napatunayan niya sa mga tao sa bundok ng Carmelo na si Yahweh ang tunay na Diyos at siya lamang ang Diyos. Wala nagawa ang apatnaraan at limampung propeta ng diyos-diyosang si Baal na kinikilala ng mga tao noon. Hindi siya nakapagpadala ng apoy mula sa langit para kainin ang handog nilang bakang susunugin. Pero si Elias, isang dasal lang niya at dumating ang apoy at nilaplap ang hain niya. Success!
Pero, sa halip na gantimpalaan siya, inusig pa siya ng reyna. Pinahanap siya sa kanyang mga kawal upang patayin. Dali-daling tumakas ni Elias sa disyerto. Pero napagod na siya sa katatakas. Tumigil na lang siya sa ilalim ng isang malaking puno at nagpabaya na. Ang dasal niya ay: “Panginoon, kunin na po ninyo ako. Ako po’y hirap na hirap na. Nais ko na pong mamatay.”
Nagpabaya na siya pero hindi siya pinabayaan ni Yahweh. Nagpadala ng anghel sa kanya na nagdala ng mainit na tinapay at tubig. Ginising siya at pinakain. Kumain nga si Elias pero bumalik uli sa pagkatulog. Marahil pagod pa, o talagang nagpabaya na siya. Ginising uli siya ng anghel at pinakain. Pagkakain niya, tumayo na siya at nagpatuloy ng paglalakad ng apatnapung araw papunta ng bundok ng Horeb. Doon niya nakatagpo ang Diyos.
Sa ating ebanghelyo naman, ibig na ng mga tao na noon naghahanap kay Jesus na iwanan na siya. Hindi nila matanggap ang sinabi ni Jesus na siya ay ang pinadala na galing sa langit. Ang usap-usapan nila ay: “Paanong galing sa langit ang taong ito na siya ay galing sa Nazareth. Hindi ba anak siya ni Jose na karpentero? Kilala natin siya. Kilala natin ang kanyang mga magulang at mga kamag-anak. Bakit sasabihin niya sa siya ay galing sa langit?” Ngunit nag-insist pa si Jesus na maniwala sila sa kanya upang magkaroon sila ng buhay, at hindi lang basta anong buhay, kundi buhay na walang hanggan. Ang mga ninuno nila na kumain ng manna sa ilang noong panahon ni Moises ay namatay lahat, pero ang kakain ng pagkaing ibibigay niya ay hindi mamamatay. Kaya tanggapin na nila siya. Maniwala na sila sa kanya. Siya ang tunay na pagkain na galing sa langit at mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumakain nito.
At paano siya tatanggapin? Maniwala sila sa kanya! Pero hindi lang siya tatanggapin. Siya ay kakainin kasi ang kanyang laman ay tunay na pagkain at ang kanyang dugo ay tunay na inumin. Noong marinig ito ng mga tao mas lalo silang naguluhan. Hindi nila ito matanggap. Nagsialisan sila. Sila noong una ay sabik na sabik na naghahanap sa kanya. Ibig pa nga nila siyang gawing hari nila. Tumawid pa sila ng dagat upang makatagpo siya sa Capernaum. Ang hinahanap nila ay ang makabubusog ng kanilang tiyan. Ngunit nang nagsalita na si Jesus na dapat siyang tanggapin at paniwalaan kasi siya ay galing langit, nawala na ang gana nilang sumunod sa kanya. At noong inalok pa ni Jesus ang kanyang sarili bilang pagkain para sa buhay na walang hanggan, ay talagang umalis na sila. Iniwan na nila si Jesus.
Si Elias ay nagpatuloy sa kanyang paglalakbay sa disyerto kasi napakain siya ng anghel. Ngayon ang pagkaing inaalok sa atin ay si Jesus mismo, ang kanyang katawan mismo. Hindi ba tayo maniniwala sa kanya? Ang gustong ibigay sa atin ng Diyos ay hindi lang ang buhay sa lupa kundi ang buhay na walang hanggan. Ito ang kaligtasan. Madalas kapag pinag-uusapan ang kaligtasan ang naiisip natin ay kaligtasan sa sakit, kaligtasan sa kahirapan, kaligtasan sa kahihiyan o sa pagkapagod. Higit pa diyan ang kaligtasan na ibibigay ng Diyos. Ang gusto niyang ibigay sa atin ay buhay na walang hanggan. At may pagkain na magsusustento sa atin sa ating paglalakbay papunta sa buhay na ito – walang iba kundi ang katawan ni Kristo. Natatanggap natin ito sa Banal na Komunyon. Kaya hinihikayat tayong magsimba at magkomunyo linggo-linggo.
Pero, mga kapatid, hindi lang basta bastang matanggap ang katawan ni Kristo. Matatanggap natin ito kung naniniwala tayo sa kanya. Kailangan muna ng pananampalataya na si Jesus nga ay ang pinadala ng Diyos bilang katuparan ng mga pangako niya. Kailangan nating tanggapin ang kanyang mga salita at gawa. Kaya ngayon, bago tayo magkomunyon sa Banal na Misa, kailangan muna tayong makinig sa paliwanag ng kanyang Salita. Kaya pinapakain muna tayo sa lamesa ng Salita ng Diyos. Dito sa ambo o sa lectern pinapahayag ang Salita ng Diyos na galing sa Bibliya. Dito binabasa ang ebanghelyo at dito ito pinapaliwanag sa homilia. Ang tugon natin sa paliwanag ay ang pagpahayag ng ating pananampalataya. Dahil sa tayo ay nananampalataya kaya nagiging handa tayong bigyan halaga ang katawan ni Kristo na ating tatanggapin sa Banal na Komunyon mula sa lamesa ng altar. Hindi natin gaanong mapapahalagahan ang katawan ni Kristo kung ang Salita ng Diyos ay hindi muna natin tinatanggap ng may pananampalataya.
Marami tayong mga problema na dinadaan sa ating buhay. Nandito ang Diyos na nakikilakbay sa atin. Nandito si Jesus, ang pagkaing nagpapalakas sa atin. Huwag natin siyang iiwanan. Huwag tayong mawala sa mga abalahin lamang ng buhay na ito. May buhay na mas mahalaga na pinapatunguhan natin. Ito ay ang buhay na walang hanggan. Para sa buhay na ito namatay si Jesus. Para sa buhay na ito dinadala tayo ni Jesus.
Katatapos lang ng Olympic games sa Paris. Maraming mga tao ay masaya sa panonood ng mga palabas ng mga athletes. Masaya sila sa panonood. Masaya sila sa mga memories nila sa Paris. Pero hindi naman tatagal ang mga ito. Ang malulusog at magaganda na mga athletes ay tatanda at mamatay din. Pagkaraan ng ilang buwan mawawala na sa kaisipan ng maraming ang mga nangyari sa Paris. Talagang ang lahat ay lilipas. Hindi lang tayo para sa mundong ito. Para tayo sa buhay na walang hanggan. Ito ay hangarin natin at ito ang lakbayin natin.