5,309 total views
Feast of the Presentation of the Lord
World Day for Consecrated and Religious Life
Pro-Life Sunday
Day of Prayer and Awareness against Human Trafficking
Mal 3:1-4 Heb 2:14-18 Lk 2:22-40
Apatnapung araw na pagkatapos ng pasko. Ayon sa kaugaliaan ng mga Hudyo, ang babaeng nanganak ng lalaki ay dapat pumunta sa templo upang mag-alay ng handog para sa paglinis sa kanya sa kanyang panganganak. May isa pang utos ang Diyos. Ang panganay na anak ay tapat tubusin sa Diyos kasi ang lahat ng panganay ay nakatalaga para sa Diyos. Kaya pumunta si Maria at si Jose dala-dala ang panganay nilang si Jesus upang gawin ang mga kautusang ito. Nag-alay sila ng dalawang kalapati, isang pag-aalay ng mga mahihirap, upang tubusin si Jesus. Sa kanilang pagpunta sa templo tinupad nila ang sinabi ni propeta Malakias na ating narinig: “Ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo.”
Hinahanap ang Panginoon na darating ng matatanda na tapat sa Diyos. Nag-aantay sila sa pagdating ng Mesias, ang ipinangakong manliligtas. Kahit na matanda na si Simeon at si Ana, hindi sila bumitaw sa kanilang pag-asa. Nagkaroon pa nga ng assurance si Simeon mula sa Diyos na hindi siya mamamatay hanggang hindi nila makikita ang ipadadala ng Diyos. Sa udyok ng Espiritu Santo, natagpuan at nakilala ng dalawang matanda ang sanggol na si Jesus na dala-dala ng mga magulang niya sa templo. Ganoon na lang ang tuwa ni Simeon na nasabi niya na maaari na siyang mamatay kasi nasilayan na ng kanyang mga mata ang manliligtas. Hindi lang siya manliligtas ng Israel. Ang kaligtasan na dala ng batang ito ay para sa lahat ng bansa. Siya ang magiging liwanag ng lahat ng tao at dahil dito magbibigay siya ng karangalan sa bayan ng Israel.
Oo, manliligtas nga si Jesus, pero hindi siya tatanggapin ng lahat. Para siyang isang bato na katitisuran ng marami. Para sa tatanggap sa kanya, magbibigay siya ng kaligtasan. Sa mga tatanggi sa kanya, mapapahamak sila. Nandito na ang liwanag pero mas ginusto pa nila ang kadiliman. Masakit ang pangyayaring ito. Mararamdaman ni Maria ang hapdi ng pagtanggi ng mga tao kay Jesus. Kaya ang puso niya ay parang tatarakan ng balaraw dahil sa pagtanggi at pagpapasakit sa kanyang anak. Ito nga ang naramdaman ni Maria sa Kalbaryo at sa lahat ng pagkakataon na ang mga tao ay patuloy na namumuhay sa kasamaan na nandito naman ang kaligtasan.
Maraming pagtanggi kay Jesus sa ating panahon ngayon. Sinabi ni Jesus na siya ang buhay. Ang bawat pagtanggi sa buhay ay pagtanggi kay Jesus. Tinatanggihan ang buhay sa abortion, sa pagpapatay ng mga matatanda, sa pagtulong sa mga tao na magpakamatay (assisted suicide), sa pagsulong ng mga digmaan, sa pagpatay ng mga tao na itinuturing na salot ng lipunan tulad ng pagpapatay ng drug addicts sa extra judicial killings at ng mga criminal sa death penalty. Nandiyan din ang genocide, ang pag-ubos sa isang lahi, tulad ng nangyayari sa Gaza. Dumudugo ang puso ng Mahal na Inang si Maria sa mga pangyayaring ito at dapat dumugo din ang ating puso. Ang Diyos lamang ang may kapangyarihan sa buhay ng tao.
Isa pang pangtanggi kay Jesus: na laganap pa hanggang ngayon ay ang pang-aalipin ng kapwa tao. White slavery ang tawag dito o human trafficking. Binibenta ang tao. Ito ay isang malaking business sa Pilipinas at sa buong mundo. Pinangangalakal ang mga tao para sa trabaho o sa sex. Ang maraming nabibiktima dito ay ang mga bata at ang mga babae. Malaking business ito, kasunod lamang ng negosyo sa armas at sa droga. Akala natin ay tapos na ang panahon na ang mga tao ay inaalipin. Hindi pa pala. Madalas ang sangkot dito ay ang mga kamag-anak o kakilala pa ng mga biktima, mga taong kanilang pinagkakatiwalaan. May mga kapatid tayong mga OFW na nasasama sa Human Trafficking, tulad ni Jane Veloso. Ginagamit sila at pinagsasamantalahan na gumawa ng iligal. Talagang malaki itong kasamaan.
Marami pa ang kadiliman sa ating mundo na dapat liwanagan ni Jesus. Mabuti na lang at may mga tao na nagtalaga ng kanilang buhay upang ang liwanag ni Kristo ay hindi mamatay at sa halip sumikat sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Ito ay ginagawa ng mga consecrated persons at ng mga relihiyoso at relihiyosa – iyong mga madre, mga brothers at mga pari na nagtalaga ng buhay nila para sa misyon ni Jesus. Pahalagahan po natin ang buhay nila na kanilang inilaan sa Diyos. Ipagdasal natin sila upang hindi sila manghina at hindi mamatay ang kanilang liwanag, bagkus dumingas pa ito ng mas malakas at magbigay ng pag-asa sa kadiliman na bumabalot sa atin. Marami sa kanila ay talagang engaged sa pro-life movements at bahagi ng mga grupo na kumakalaban sa human trafficking.
Baka may ilan sa atin dito na nararamdaman nilang tinatawag sila na ibigay ang kanilang buhay sa ganitong pagtatalaga. Huwag kayong matakot. Tumugon kayo sa panawagan ng Diyos. Tulad ni Simeon magsaya kayo sa liwanag ni Kristo at tulad ni Ana magsalita kayo sa mga tao tungkol kay Jesus, ang liwanag ng buong mundo.