16,300 total views
5th Sunday of Ordinary time Cycle C
Is 6:1-2.3-8 1 Cor 15:1-11 Lk 5:1-11
Sa harap ng mga dakilang tao, o kakila-kilabot na pangyayari, o napakaganda at hindi inaasahang pagtatagpo, nanliliit tayo. Nakikita natin ang ating sarili na hindi karapat-dapat. Natatakot at lumalayo tayo. Sino ba naman ako na makasaksi nito? Sino ba naman ako na tawagin at kausapin niya? Sino ba naman ako na pagkatiwalaan ng ganito? Ito ang paksa ng ating mga pagbasa. Sa harap ng Diyos o ng mga banal na pangyayari nakikita natin na tayo ay hindi karapat-dapat kasi makasalanan tayo. Nanliliit tayo.
Narinig natin sa aklat ni Isaias sa ating unang pagbasa ang karanasan ng propeta. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa harap ng kaluwalhatian ng Diyos. Ang Diyos na nakaluklok sa kanyang trono ay pinapalibutan ng mga anghel na kilalang mga seraphim. May tig-aanim na pakpak sila ay palaging umaawit at sumasamba sa Diyos. Napakaganda ng pagsamba nila na naranasan ng propeta na hindi siya karapat-dapat. Siya ay makasalanan at hindi siya karapat-dapat sa kabanalan na kanyang nasasaksihan. Akala niya mamamatay na siya. Pero nilinis siya ng isang baga na galing sa dambana. Pinabanal din siya.
Si Pablo naman sa ating ikalawang pagbasa ay nagpahayag ng pinakabuod ng magandang balita – ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Si Jesus ay totoong namatay. Nakita siya ng mga tao na nakabayubay sa krus doon sa Kalbaryo. Sinibat ang kanyang tagiliran at naubos na ang dugo sa kanyang puso. Siya ay inilibing at nanatili siya sa libingan ng tatlong araw. Talagang patay na si Jesus. Ngunit nangyari ang hindi inaasahan. Siya ay muling nabuhay. Marami ang mga saksi sa kanyang muling pagkabuhay. Nakita siya at nakisalamuha siya sa maraming tao – kay Pedro, sa mga apostol, sa higit na limang daang tao, at ganoon din kay Pablo. Naranasan ni Pablo ang muling nabuhay na si Jesus kahit na siya ay hindi karapat-dapat kasi kinontra niya ang simbahan. Malaking pribilihiyo ito na ibinigay sa kanya at hindi naman niya binigo ang tiwala ng Diyos. Mas naging masipag siya sa pagpapahayag dahil sa malaking kagandahang loob ng Diyos na kanya. Hindi siya karapat-dapat pero naranasan niya si Jesus na muling nabuhay doon sa daan patungo sa Damasco.
Naranasan din ni Pedro at ng kanyang mga kasama ang kadakilaan ni Jesus. Narinig niya ang mga pangaral ni Jesus mula sa kanyang bangka. Talagang namamangha ang mga tao sa mga pagtuturo ni Jesus. Kakaiba siya kaysa kanilang mga guro. Pero makapangyarihan ang salita ni Jesus hindi lang dahil sa magaling siyang magsalita. Ang salita ni Jesus ay nagdadala ng sorpresa at kapangyarihan. Bilang mangingisda alam ni Pedro na walang isdang mahuhuli sa araw, lalo na, na kahit sa gabi wala silang nahuli. Pero naniwala si Pedro hindi sa kanyang kaalaman kundi sa salita ni Jesus. Ang lakas ng kanyang tiwala: “Dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At hindi siya binigo ng Salita ni Jesus. Hindi lang sa nakahuli sila ng isda. Ganoon karami ang nahuli nila na ang dalawang bangka ay halos malubog sa dami ng kanilang huli. Kinilala ni Pedro na hindi pangkaraniwang taong ito si Jesus. Banal nito. May kapangyarihan siya ng Diyos. Kaya napaluhod siya at nasabi: “Lumayo ka sa akin Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.” Hindi ako karapat-dapat sa iyo.
Mga kapatid, hindi ba natin nare-realize na nasa harap tayo ng makapangyarihang Diyos? Siya ang nagsasalita sa atin sa Banal na Kasulatan. Ang dakilang Diyos ang natatanggap natin sa Banal na Komunyon! Siya ang kinakausap natin kapag tayo ay nagdarasal. Ang matagumpay na Diyos ang ating pinalilingkuran sa simbahan. Mamangha tayo! Kilalanin natin na hindi tayo karapat-dapat sa kanya. Ito ay naramdaman ng opisyal na Romano noong si Jesus ay palapit na sa kanyang bahay upang pagalingin ang kanyang alipin. Wika niya: “Panginoon, hindi ako karapat-dapat na pumunta ka sa aking tahanan. Magsalita ka lang at gagaling na ang iyong lingkod.” Maging aware tayo kung sino ang ating sinasamba, kung sino ang ating nilalapitan, kung sino ang nagsasalita sa atin! Siya ay ang Diyos na makapangyarihan na may likha ng lahat. Hawak niya ang lahat ng bagay sa mundo. Siya ang nagmamahal sa atin!
Sa ating panahon, napakarami pinoproblema natin na halos malunod na tayo sa ating mga alalahanin. Nandiyan ang China na nagbabanta sa atin. Nagpapadala siya ng mga malaking barko na lumalapit sa ating dalampasigan. Nandiyan ang climate change na patuloy na nagbabago ng panahon, kaya hirap na ang ating mga mangingisda at mga magsasaka. Nandiyan ang mga corrupt na mga politiko na patuloy na bumibili ng ating mga boto. Kapag namigay na ng pera o ng ayuda na wala naman tayong kalamidad na nararanasan – mga corrupt na iyan kasi kung hindi man galing iyan sa kaban na bayan, iyan ay babawiin nila kapag sila ay nasa puwesto na. Nandiyan din ang ating mga personal na bisyo o masasamang ugali na halos umaalipin na sa atin. Sa harap ng mga ito, huwag tayo mawalan ng pag-asa. Ang makapangyarihan at banal na Diyos ay nasa piling natin. Hindi niya tayo pababayaan. Kahit na hindi tayo karapat-dapat, hindi niya tayo iiwanan.
Tayo din po sana ay maging available sa kanya. Palagi siyang nagtatanong tulad ng sinabi niya sa aklat ni Propeta Isaias: “Sino ay ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?” Matapang at may paninindigan natin sabihin kasama ng propeta: “Narito ako! Ako ang suguin mo!” Malaki ang pagbabago ni Isaias. Mula sa isang taong takot kasi siya ay makasalanan, may commitment niyang tinanggap ang hamon ng Diyos. “Suguin mo ako.” Ganoon din si Pablo. Mula sa pagiging tagapag-usig ng simbahan naging masigasig siyang misyonero. Ganoon din si Pablo. Sinabi niya: “Panginoon lumayo ka sa akin.” Pero pagdating nila sa dalampasigan iniwan niya ang lahat at sumunod kay Jesus. Huwag tayong matakot. Hindi man tayo karapat-dapat, pinapagindapat ni Jesus ang tinatawag niya.