413 total views
3rd Sunday of Ordinary Time Cycle A
Is 8:23-9:3 1 Cor 1:10-13.17 Mt 4:12-23
Si Jesus ay isinilang sa Bethlehem sa probinsiya ng Judea at siya ay lumaki sa Nazareth sa probinsiya ng Galilea. Walang espesyal na nakatatawag ng pansin sa buhay ni Jesus sa Nazareth. Lumaki siya tulad ng isang ordinaryong bata sa pangangalaga ng kanyang mga magulang kasama ng kanyang mga kamag-anak. Natuto siyang maging isang karpentero sa kanyang amang si San Jose. Noong mamatay si San Jose siya na ang nagtaguyod sa kanyang pamilya ng mahabang panahon. Huwag tayong maniwala sa mga kuru-kuro na siya ay pumunta sa Tsina o sa Egipto o sa iba pang pook. Ito ay mga kuru-kuro at walang ebidensya.
Noong dumating si Juan Bautista at nagsimula nang manawagan ng pagsisisi sa may Ilog Jordan, isa si Jesus sa maraming tao na pumunta kay Juan at nagpabinyag din siya kahit na nag-aalinlangan si Juan na gawin ito kasi siya dapat ang binyagan ni Jesus. Nakumbinsi ni Jesus na gawin na lang ang nakatakda na. Sa pagbibinyag kay Jesus nagpatotoo ang Espiritu Santo at ang Diyos Ama tungkol sa kanya. Mula noon iniwan na ni Jesus ang Nazareth at nagsimula sa siya ng kanyang pagmimisyon lalo na noong mabalitaan niya na si Juan ay pinabilanggo ni Herodes. Ang pagbasa natin ngayon ay nagbibigay ng background ng ministry ni Jesus.
Siya ay kumilos sa baybayin ng Lawa ng Galilea sa teritoryo ng mga tribu ng Zabulon at Naphtali. Tinupad niya ang sinabi ni Propeta Isaias mga pitong daang taon na ang nakaraan. Ang mga lugar na ito ay nasa laylayan ng teritoryo ng Israel. They are in the uppermost north of Canaan. Ang karatig na mga pook nila ay mga lugar na ng mga Hentil kaya malakas na ang influensiya ng mga hindi Judio sa kanila. Sila ay itinuturing na nasa kadiliman, kasi parang hindi na puro ang kanilang pananampalatayang Hudyo. Sa lugar ng Zabulon at Naphtali lumabas ang liwanag at magiging masaya uli ang mga tao roon tulad ng pagsasaya sa panahon ng anihan o sa panahon ng pagsamsam nila sa mga kaaway. Naging masaya sila kasi dito kumilos si Jesus. Dito unang naranasan ng mga tao ang kanyang mga aral at mga himala. Dito sa Galilea dumayo ang mga tao upang makita at mapakinggan si Jesus. Ang naging headquarters ni Jesus ay ang Capernaum at hindi na ang Nazareth.
Hindi tulad ni Juan Bautista na siya ay nanatili lang sa isang lugar na malapit sa Ilog Jordan, si Jesus ay naglalakbay sa iba’t-ibang bayan ng Galilea. Nagpapahayag siya ng Magandang Balita na masa-summarize natin na: “Malapit nang maghari ang Diyos kaya magsisisi na kayo at talikdan ang inyong mga kasalanan.” Hindi lang si Jesus nangaral, naghanap din siya at nagtawag ng magiging kasama niya. Ayaw ni Jesus na mag-isa siya sa kanyang misyon. Kailangan niya ng kasama upang maipagpatuloy ang kanyang misyon at lumawak ito. Pero kailangan muna niyang hubugin ang mga magpapatuloy ng gawain niya, kaya kailangan silang makipamuhay na kasama niya.
Sa kanyang paglalakbay sa baybayin ng lawa tinawag niya ang dalawang magkapatid, si Simon at si Andres at si Santiago at si Juan. Sila’y mga mangingisda. Maaari na ang mga ito ay paminsan-minsan nang nakikinig sa kanya at kilala na sila ni Jesus. Ngayon hiningi na ni Jesus na sila ay maging committed sa kanya. Iba na ang magiging gawain niya. Iba na ang huhulihin nila – hindi na isda kundi mga tao. Generous naman ang dalawang pares na magkapatid. Iniwan nila ang trabaho nila, ang kanilang mga gamit at pati ang pamilya nila at sumunod at nakipamuhay kay Jesus. Kaya sila ang nakasaksi sa mga gawain ni Jesus at sa mga aral niya.
Sa mga pangyayaring ito maaari tayong makakuha ng mga aral kung paano dapat tayo kikilos sa simbahan na nagpapatuloy ng misyon ni Jesus. Una, si Jesus ay hindi kumilos sa gitna ng kanyang sociedad. Hindi siya pumunta at nanatili sa Jerusalem, ang capital city o sa Judea man lang kung saan matatagpuan ang mga wagas o tunay na mga Hudyo. Pinili niya na ang pagkikilusan niya ay ang tabi-tabi ng kanyang bayan. Kung sa atin pa hindi siya kumilos sa Maynila o sa Cebu o sa Davao. Nandoon siya sa Samar, o sa Mountain Province, o sa Palawan. Pangalawa, hindi tumigil si Jesus sa isang lugar at nag-antay lang sa mga tao na lumapit sa kanya. Pinupuntahan niya ang mga tao. He moves from place to place. Pangatlo, hindi si Jesus na kumikilos na mag-isa. Kung sa bagay kaya niyang gawin ito kasi Diyos naman siya at siguro mas madali sa kanya na magsolo na lang. Sa kanyang pagtawag ng mga kasama kailangan pa niyang hubugin sila. Minsan nga medyo nainip siya sa katigasan ng ulo nila at sa kakulangan ng kanilang pananampalataya.
Pero hindi, ang pagsama-sama at pagkakaisa ay mahalaga sa ating pagiging Kristiyano.
Sa ating ikalawang pagbasa narinig natin na pinagalitan ni Pablo ang mga Kristiano sa Corinto dahil sa nalaman niya na nagpapangkat-pangkat sila. Sa halip na magkaisa, nagkakampihan sila sa mga leaders na dumating sa kanila. Sabi ng ilan na sila ay kay Apollos, sabi naman ng iba kay Pablo, o kay Pedro, o kay Jesus mismo. Kaya ang pakiusap niya sa kanila ay magkaisa sila sa pananalita, isipa’t layunin upang mawala sa kanila ang pagkakabaha-bahagi. Kaya ang simbahan ay hindi lang isang tao o isang grupo. Ito ay Katoliko, na nangangahulugan na pangkalahatan. It is always a challenge to work with others, much more with all. Pero ito ang paraan ni Jesus.
Pang-apat na katangian ng pagmimisyon ni Jesus: Siya ay nagtatawag at humuhubog ng magiging mga leaders sa grupo niya. Upang maging leaders kailangan na hubugin sila sa pamamagitan ng kanilang pagsasama sa kanya. Hindi lang sapat na malaman ang mga aral ni Jesus, kailangan ang relationship sa kanya upang makuha ang kanyang diwa at ang kanyang pananaw; upang mahubog sila sa pag-ibig sa Ama at pag-ibig sa kanya.
At ano ang mensahe ni Jesus? Walang iba kundi ang paghahari ng Diyos. Ito ay ang kalagayan na ang Diyos ang masusunod. Darating na ang Diyos. Nandito na nga. Sundin natin siya. At magagawa lamang natin ito kung tayo ay magsisisi. Bitiwan na natin ang ating sariling pananaw at kaugalian upang matanggap ang kalooban ng Diyos.
Suriin po natin ang ating pagiging simbahan at ang ating pagkilos sa simbahan. Ito ba ay naayon sa ginawa ni Jesus, na tayo ay hindi nanatili sa isang lugar kundi tayo ay kumikilos at inaabot ang mga nasa laylayan, na tayo ay kumilos ng sama-sama, na tayo ay nag-aanyaya ng mga maging kamanggagawa natin sa gawain ng Diyos, na hinuhubog natin ang mga leaders, na ang mensahe natin ay walang iba kundi ang kalooban ng Diyos? Ito ang Magandang Balita. Dumating na ang nagpapahiwatig, nagpapaalam at nagsasabuhay ng kalooban ng Diyos, at iyan ay si Jesukristo. Binigay na niya sa atin ang kanyang Espiritu upang magawa natin ang ginawa niya. Tularan natin siya.