306 total views
Corpus Christi Sunday
Gen 14:18-20 1 Cor 11:23-26 Lk 9:11-17
Ang taong nagmamahal ay malikhain. Naghahanap siya ng mga pamamaraan upang makapiling niya ang kanyang minamahal. Kaya ang magkasintahan ay naghahanap ng paraan upang magkita o mag-usap man lamang. Ayaw natin mahiwalay sa iniibig natin. Mahal na mahal tayo ni Jesus. Sabi niya na walang hihigit pa sa isang nagmamahal na ialay niya ang kanyang buhay sa kanyang iniibig. At iyan nga ang ginawa niya. Ganoon ang pag-ibig niya sa atin na ibinigay niya ang kanyang buhay para sa atin. Siya ay ang tunay na mabuting pastol na naparito upang magbigay ng buhay sa kanyang kawan.
Dahil sa mahal na mahal tayo ni Jesus ayaw niyang mahiwalay sa atin. Ano ang ginawa niya? Nagpaiwan siya sa atin sa isang katangi-tanging paraan. Talagang malikhain siya. Nagpaiwan siya sa atin sa anyo ng pagkain, sa anyo ng tinapay at alak. Panlabas na anyo lang ito. Pero sa totoo hindi na ito tinapay kundi ang katawan ni Kristo. Hindi na ito alak, kundi dugo ni Kristo. Ito ang ipinagdiriwang natin ngayon: Ang kamahal-mahalang Katawan at Dugo ni Kristo sa panlabas na anyo ng tinapay at alak.
Ang pag-aalay ng tinapay at alak ay may matagal nang kasaysayan. Noong panahon ni Abram, pagbalik niyang matagumpay laban sa kanyang mga kaaway na bumihag kay Lot at ng kanyang pamilya, sinalubong si Abram ni Melquisedec, isang hari at pari ng lunsod ng Salem. Siya ay naghandog ng tinapay at alak. Pinagpala ang saserdoteng ito ni Abram at kinilala naman siya ni Abram na galing sa Panginoon kaya nag-alay siya sa kanya ng ikapu ng lahat ng nasamsam niya sa digmaan.
Si Jesus ay isang pari din na nag-aalay. Ang kanyang pagpapari ay nanggaling kay Melquisedec. Ang kanyang pag-aalay ay ang kanyang sarili sa anyo ng tinapay at alak. Ito ay matagal nang kinilala ng simbahan, panahon pa ni Pablo. Ginagawa ng simbahan ang ginawa ni Jesus sa Huling Hapunan. Doon dumampot si Jesus ng tinapay at sinab: “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo.” Ganoon din ang ginawa niya sa kalis na puno ng alak: “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo.” Tinapay ang ating nakikita at nakakain, pero iyan sa totoo ay katawan ni Kristo. Alak ang ating naaamoy at naiinom, pero iyan sa totoo ay Dugo ni Jesus. At ang utos niya sa atin ay gawin niyo ito ng palagi. Iyan nga ang ginagawa natin sa Banal na Misa. Pinapasangayon natin ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang katawan at dugo upang makapakinabang tayo sa kanya. Siya ang ating pinagsasaluhan. Dahil dito nabubuhay tayo dahil sa kanya.
Tuwang tuwa ang mga higit na limang libong tao na pinakain ni Jesus sa may dalampasigan ng Lawa ng Galilea. Nabusog sila. Pero ang pagpakain sa kanila ay tanda lang ng mas mahalagang pagkain na bibigay niya sa atin – ang kanyang sarili. Hindi lang ang buhay sa mundong ito ang pinagkakaabalahan ni Jesus. Nababahala din siya sa ating paglalakbay sa buhay na ito tungo sa buhay na walang kamatayan. Kaya nasabi niya: ang kumakain ng aking Laman at umiinom ng aking Dugo ay magkakaroon ng buhay na magpakailanman. Ito po ang tinatanggap natin sa Banal na Misa.
Madalas nating awitin: “Sa piging ng ating Panginoon, tayo ay nagtitipon.” Ang piging ay isang handaan, isang salu-salo. Pumupunta tayo sa piging upang pagsaluhan ang pagkaing inihanda sa atin. Sa Banal na Misa pinapakain tayo sa dalawang lamesa, ang lamesa ng Salita ng Diyos at ang lamesa ng altar. Una po binubusog ang ating isip at diwa ng Salita ng Diyos. Pinapahayag ito sa atin mula sa mga pagbasa sa Bibliya at ito ay pinapaliwanag sa atin. Dahil sa Salita ng Diyos lumiliwanag ang ating isip at sumisigla ang ating damdamin. Tumatalab sa ating puso ang mensahe ng mabuting balita na mahal tayo ng Diyos, na hindi niya tayo iiwan. Paglipat natin sa lamesa ng altar, ang salita ng Diyos ay nakaroon ng laman. Naging katawan ni Kristo ang tinapay dahil sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos. At ito ay natatanggap natin sa ating katawan. Talagang nakikiisa ang Diyos sa atin. Pumapasok ang kanyang katawan sa katawan natin. Napakalaking grasya ito. Namnamin natin ang kanyang presensiya sa atin.
Dahil dito tayong lahat ay hinihikayat na tumanggap ng kumunyon sa bawat misa. Ayaw mo bang pumasok si Jesus sa iyong katawan? Sabi nga natin na malikhain ang taong nagmamahal. Malikhain ang pag-ibig ni Jesus sa atin. Nakahanap siya ng paraan na makiisa sa atin. Naging pagkain siya upang pumasok siya sa atin. Tayo naman, tanggapin natin siya ng may pagmamahal. Manabik tayo sa kanya. Papasukin natin siya sa ating buhay. Tanggapin natin siya sa ating labi ng may buong pagmamahal.
Dahil sa natanggap na natin siya nagbabago na ang ating pananaw. Minamahal na rin natin ang lahat ng minamahal ng Diyos. Kaya mahal na natin ang ating kapwa – hindi dahil sa mabait sila sa atin at maganda sila – kundi dahil sa mahal din sila ni Jesus. Kaya minamahal na rin natin ang minamahal ni Jesus. Kaya ang pagtanggap ng komunyon ay hindi lang pagtanggap kay Jesus. Ito ay pagtanggap din sa lahat na tinatanggap ni Jesus, kasama na diyan ang mga nakagawa ng masama at ang mga hindi kaibig-ibig.
Sinabi ni Jesus: “Makikilala kayo na mga alagad ko sa inyong pagmamahal sa isa’t-isa.” Pag-ibig ang tatak Kristiyano. Maaari tayong umibig kasi tayo una ang inibig. Sana po makita natin sa Banal na Komunyon ang pag-ibig ni Jesus sa atin. Nakikiisa siya sa atin. Tanggapin natin siya, at dahil sa kanya tanggapin natin ang ating kapwa. Kaya ang Banal na Komunyon ay hindi lang nagpapalapit sa atin kay Jesus. Pinag-iisa din nito tayo sa ating kapwa.