8,934 total views
29th Sunday of Ordinary Time Cycle B
World Mission Sunday
Is 53:10-11 Heb 4:14-16 Mk 10:35-45
Sino ba sa atin dito ang ayaw maging dakila? Hindi ba gusto naman natin na maging dakila? Hindi naman masama ito. Dapat naman magkaroon tayo ng pangarap sa buhay. Kung wala tayong pangarap, maging papataypatay na lang tayo. Kahit na ano na lang ay pwede. Mangarap naman na maging dakila. Pero paano ba maging dakila? Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging dakila?
Para sa magkapatid na si Santiago at Juan, ang kadakilaan ay nasa posisyon. Naniniwala sila sa pahayag ni Jesus na darating na ang kaharian ng Diyos. Ibig nila na ang posisyon nila sa kahariang ito ay nasa kanan at kaliwa sila ni Jesus. Siyempre kung may posisyon, mayroong karangalan at mayroong kapangyarihan. Ito ang kadakilaan na hinahanap nila. Kadakilaan na dala ng karangalan at kapangyarihan.
Hindi lang pala sina Santiago at Juan ang may ganitong ambisyon. Iyan din ang hinahangad-hangad ng iba pang mga apostol. Nagalit sila kasi naunahan sila ng magkakapatid sa paghiling nito. Ay…. Kahit na kasakasama sila ni Jesus at napapakinggan nila ang mga aral ni Jesus hindi pa nila nakikilala si Jesus at nauunawaan ang mga values na pinaninindigan niya! Binigyan sila ni Jesus ng special lesson. Hindi naman masama na maging dakila pero iba ang paraan at ang layunin ng pagiging dakila para kay Jesus at sa kanyang grupo. Para sa mga tao sa mundo ang dakila ay pinaglilingkuran. Sila ay sinusunod ng mga tao. May kapangyarihan sila sa iba at maaaring ginagamit pa nila ang iba para sila ang masunod. Hindi ganyan para sa grupo ni Jesus. Ang pagiging dakila ay ang paglilingkod. Sa kanyang pagiging huli sa lahat kasi pinaglilingkuran niya ang lahat kahit na ang nahuhuli, diyan siya nagiging dakila. Ang sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Makikita ang ating kadakilaan sa ating pagpapahalaga sa mga taong nahuhuli at nakakaligtaan tulad ng mga bata at ng mga mahihirap.
Hindi lang ito tinuturo ni Jesus. Isinasabuhay niya ito. Siya ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang sarili sa katubusan ng lahat. Sa kanilang grupo isinasaalang-alang ni Jesus ang kabutihan ng mga alagad. Noong nakikita niya na pagod na sila, inanyayahan niya sila na mamahinga sa isang tahimik na lugar. Siya ang naghanap kung saan sila kakain ng huling hapunan. Pinakita ni Jesus ang paglilingkod niya tulad ng isang alipin sa paghugas ng paa ng mga alagad niya. At namatay siya sa krus para sa kaligtasan ng lahat. Dito ni Jesus pinapakita ang kanyang pagiging dakila. Tinupad niya ang sinabi ni propeta Isaias: “Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan ang siyang tatanggap sa parusa ng marami at alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin.” Si Jesus nga ay ang dakilang pari, pero hindi siya isang dakilang pari na may malayong distansiya sa atin. Narinig natin sa ating ikalawang pagbasa: “Ang dakilang pari nating ito ay nakauunawa sa ating kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siya tulad natin.” Dinanas ni Jesus ang lahat ng dinadaanan natin maliban sa kasalanan. Alam niya at isinabuhay niya ang ating kalagayan.
Ang katuruang ito ni Jesus tungkol sa kadakilaan ay kailangan pa ng simbahan at ng ating mundo ngayong panahon. Kahit na sa simbahan naghahangad tayo ng posisyon at ng title. Gusto natin na tayo ay tawaging presidente o chairperson o committee head sa mga grupo sa simbahan. Mas mataas ang tingin natin kasi siya ay parish priest o monsignor.
Ngayon po ay nasa election season na tayo. Katatapos lang ng pag-file ng mga Certificates ng Candidacy. Nakita natin na marami ay naghahangad ng position sa bayan, sa lalawigan at sa bansa. Ok na lang sana kung hahayaan nila kung sino ang pipiliin ng mga tao. Ang masama ay gusto nilang makuha ang posisyon at all cost – sa lahat ng pamamaraan. Kaya nandiyan na ang paninira, ang pagsisinungaling, ang pamimili ng boto, ang pananakot at paggamit ng dahas. Ang mga ito ay gustong maging dakila hindi upang maglingkod, kundi upang maging makapangyarihan. Ang makikinabang sa kanilang posisyon ay hindi ang taong bayan kundi sila mismo. Gusto nilang maging nasa posisyon hindi upang magbigay sa iba kundi upang sumamsam mula sa taong bayan. Kaya tuloy dito sa atin sa Pilipinas, at siguro sa ibang bahagi din ng mundo, pinaglalaruan lang ng mga politiko ang mga tao.
Hahayaan nalang ba natin ito? Sana ang mga politiko ay makinig sa katuruan at sundin ang halimbawa ni Jesus. Siya ay naparito upang maglingkod at hindi upang paglingkuran at ibigay ang kanyang sarili sa kapakanan ng mga tao. Kung hindi man sundin ng mga politiko ang halimbawa ng Anak ng Diyos, tayong mga tao ay huwag magpadala sa kanila. Huwag natin ipagbili ang ating sarili sa kanila. Huwag tayong magpalinlang sa kanila. Huwag tayong magpatakot sa kanila. Tandaan natin na sa tunay na demokrasya ang tao ang namumuno, ang tao ang nasusunod. Huwag tayong maging sunud-sunuran sa mga politiko kahit na may posisyon, may pera at may armas sila. Huwag tayong maging tau-tauhan sa kanila. Kung hindi tama ang ginagawa nila, ilaglag natin sila kahit binigyan pa tayo ng pera o ng pabor. Wala tayong utang na loob sa mga politiko kasi nararapat man lamang na sila ang tumulong at maglingkod sa atin.
Ngayon Linggo ay ang World Mission Sunday. Mula noong 1927, ipinagdiriwang ang World Mission Sunday tuwing ikatlong Linggo ng buwan ng Oktubre. Mayroon itong paksa kada taon. Ang paksa ngayong taon ay “Go invite everyone to the banquet.” Ang lahat ng tao ay may karapatang makiisa sa handaan ng Panginoon, ang handaan ng kaligtasan. Ito ay para sa lahat. Sa 8 billion na mga tao sa mundo ngayon, mga 2 billion lang ang mga Kristiyano. 6 billion pa ang kailangan nating abutin. Kaya tayong lahat na nandito ay magsumikap na makiisa sa misyon ng simbahan upang ialok sa kanila ang pagkilala kay Kristo nang masaya silang makasalo sa handaan ng Panginoon. May second collection po tayo upang tulungan ang mga misyonero natin sa mahalagang gawaing ito. Samahan din natin sila ng ating mga panalangin sa Banal na Misang ito.