214 total views
Pagtuunan ng pansin at huwag isantabi ang mga may kapansanan.
Ito ang paalala ni Camillian Priest Father Dan Cancino, executive director ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care sa paggunita at pag-alala sa araw ng mga may kapansanan o Persons with Disabilities (PWD).
Ayon kay Fr. Cancino, magpahanggang ngayon ay makikita pa rin sa lipunan ang mababang pagtingin sa mga taong may kapansanan na higit na nangangailangan ng sapat na atensyon at proteksyon mula sa pamahalaan.
“Dapat sariwain natin na sa panahon ng pandemya, dapat wala tayong makalimutan lalong lalo na ang ating mga kapatid na nangangailangan. Mas kailangan tayo ng ating mga kapatid na PWD,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ng Pari na muling isaalang-alang at pakinggan ang hinaing ng mga PWD dahil sila rin ay may karapatang magsalita at makibahagi sa mga usapin sa lipunan.
“Sila din ay may pangangailangan, may damdamin; mayroon din silang masasabi sa mga diskusyon ng buhay at magandang makinig sa kanila,” ayon sa pari.
Kabilang din ang sektor ng mga may kapansanan sa tinutukoy ng Kanyang Kabanalan Francisco sa proseso ng isinasagawang Synod on Synodality ng simbahang katolika.
Ipinaliwanag ni Fr. Cancino na sa pamamagitan ng panawagan ng Santo Papa ay maipaparamdam sa mga PWDs ang pakikiisa at pagpapakita ng pantay na pagtingin at pakikinig sa kanila.
“Bagamat sila ay may mga kapansanan, sila ay bahagi ng simbahan, bahagi natin,” saad ni Fr. Cancino.
Ipinagdiriwang ang International Day of Persons with Disabilities tuwing Disyembre 3 kung saan tema ngayon ang ‘Leadership and participation of persons with disabilities toward an inclusive, accessible and sustainable post-COVID 19 world’.
Batay sa tala, nasa humigit-kumulang isang bilyon o 15-porsyento ng populasyon sa buong mundo ang mayroong kapansanan.
Habang sa Pilipinas naman ay aabot sa 1.44 na milyon o 1.57 porsyento ang populasyon ng mga PWDs.