25,968 total views
Isinulong ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo na kaliwanagan para sa mga Pilipino sa layuning makamit sa pagdaraos ng impeachment trials ni Vice-president Sara Duterte.
Ayon sa Obispo, ito ay upang mai-pakita o mai-paunawa sa mga Pilipino na layunin ng pamahalaan na maisabuhay ang transparency kung paano ginagastos ang kaban ng bayan.
Sinabi ng Obispo na sa pamamagitan nito ay mapapatunayan ang pagiging inosente o may sala ni VP Duterte sa mga paratang ng korapsyon at iba pang krimen sa kaniyang paninilbihan bilang Bise-presidente ng Pilipinas.
“Ang issue po ngayon ay tungkol po sa impeachment ni Sara Duterte, yan po ay hinihingi natin na mangyari para po magkaroon po ng transparency kung paano ba ginagamit ang pera ng bayan, yan ba ay ginagamit para sa bayan o para sa ibang mga perks nila?, Kaya dapat po nating malaman yan kaya po sana po ay lumabas sa proseso ng impeachment,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.
Naniniwala si Pabillo na sa pamamagitan ng impeachment case laban kay Duterte ay mapapatibay ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.
Pagpapakita din ito ng pagtalima ng mga mambabatas sa kanilang mga sinumpaang gawain at patuloy na paglaban sa katiwalian bilang lingkod ng bayan.
“At ganun din po sa iba pang mga kalagayan natin na sana yung mga may kaya sa atin, yung may katungkulan, may kapanyarihan ay tignan nila ang ikakabuti ng pangkalahatan hindi lang yung sariling kabutihan nila, kaya patuloy po ang pagsisikap natin na maging malaya at yan po ay dapat nating panindigan upang yan ay lubusang matamo natin na hindi lamang tayo inaapi ngunit maging maunlad ang ating buhay,” pahayag ni Bishop Pabillo