24,490 total views
Muling nanindigan ang Diyosesis ng Lucena laban sa paggamit ng maruming enerhiya kasabay ng paggunita ng mamamayan ng Atimonan at karatig-bayan sa Quezon sa isang dekada ng paninindigan laban sa pagtatayo ng fossil gas power plant sa lalawigan.
Ayon kay Quezon for Environment at Lucena Diocesan Ministry on Ecology director, Fr. Warren Puno, sampung taon na ang lumipas ngunit hindi pa rin naitatayo ang proyektong Atimonan One Energy, patunay ng matatag na pagtutol ng simbahan at sambayanan para sa malinis, ligtas, at makatarungang enerhiya.
“Sampung taon na ang nakalipas… ni isang poste ng planta ay wala pang naitayo—patunay na nananatiling buhay at matatag ang pagtutol ng mga tao, ng simbahan, at ng sambayanan para sa kalikasan at kinabukasan,” pahayag ni Fr. Puno.
Pagbabahagi ng pari, ang usaping pangkalikasan sa lalawigan ay hindi isinantabi ng diyosesis bagkus, binigyang-pansin at mariing tinutulan ang mga mapaminsalang proyektong makakaapekto sa kalikasan at buhay ng tao.
Dagdag ni Fr. Puno, ang pagtutol ng Simbahan ay hindi simpleng pananaw laban sa isang proyekto, kundi moral na paninindigang nakaugat sa ebanghelyo—ang pagpanig sa kalikasan, sa mahihirap, at sa buhay.
“Ang simbahan ay simbahan ng mga dukha at para sa mga dukha. Hindi maaaring tumahimik ang simbahan kapag ang kabuhayan ng mangingisda ay nanganganib, kapag ang hangin at tubig ay malalason, kapag ang kalikasan—ang tahanan ng lahat—ay sinisira para sa kita ng iilan. Ang maruming enerhiya ay hindi lang usapin ng teknolohiya; ito ay usapin ng buhay, katarungan, at pananampalataya,” giit ni Fr. Puno.
Bukod dito, inalala rin ng pari ang pagkakatatag sa Quezon for Environment, isang malawak na pagtutulungan ng simbahan, mamamayan, at iba’t ibang sektor na naging pangunahing tinig sa pagtutol sa proyekto sa nakalipas na sampung taon.
Binigyang-diin naman ni Fr. Puno, na hindi pa tapos ang laban dahil nananatili pa ring banta ang pagtatayo ng planta, kaya’t mas kailangang paigtingin ang panawagan para sa renewable energy bilang tugon sa lumalalang krisis sa klima at kakulangan sa enerhiya sa bansa.
“Huwag natin hayaang muling sakupin ng maruruming industriya ang ating lalawigan. Ang Quezon ay para sa kalikasan. Ang Quezon ay para sa kinabukasan… Ang Simbahan ay mananatiling kasama, kakampi, at tagapagtanggol ng sangnilikha—sapagkat ang ating Diyos ay Diyos ng buhay, hindi ng pagkasira,” ayon kay Fr. Puno.
Kabilang sa mga naging gawain sa pagdiriwang ang Banal na Misa sa Our Lady of Angels Parish sa Atimonan, na sinundan ng lakad-dasal patungong Bay Park, kung saan sinalubong ng mga mangingisda ang mga lumahok sa pamamagitan ng isang fluvial procession, bilang sagisag ng pagkakaisa ng lupa at dagat sa laban para sa kalikasan.
Tema ng pagdiriwang ang “Isang Dekada ng Pakikibaka: Laban Para sa Malinis na Enerhiya at Inang Kalikasan”, na kasabay ng pagdiriwang sa World Environment Day noong June 5, 2025, na layong pagbuklurin ang mamamayan sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan—ang inang kalikasan.