287 total views
Ito ang mensahe ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara kaugnay sa magiging resulta ng National and Local Elections 2022.
Ayon sa Obispo, mahalagang igalang ang kagustuhan at desisyon ng taumbayan batay sa magiging resulta ng halalan.
Pagbabahagi pa ni Bishop Vergara, anuman ang maging resulta ng eleksyon ay dapat na magkaisa ang sambayanan upang tumulong sa mga bagong halal na opisyal ng bayan.
Samantala, nagpaabot rin ng pasasalamat ang Obispo sa lahat ng mga kawani at volunteers ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nagsisilbing pangunahing tagapagbantay ng Simbahan Katolika para sa kabuuang proseso at resulta ng National and Local Elections 2022.
“We are grateful to the Lord for the volunteers of PPCRV and whatever the result of the elections today I think we should respect the will of the people, and as best as we can work together to see how we can help our newly elected public servants.” Ang bahagi ng mensahe ni CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, personal na binisita ni Bishop Vergara ang mga PPCRV volunteers sa iba’t ibang mga polling precincts sa Diyosesis ng Pasig gayundin ang PPCRV-KBP Command Center sa University of Santo Tomas, Quadricentennial Pavillion kung saan isasagawa ang Unofficial Parallel Count sa pamamagitan ng ika-apat na election returns na nakalaan sa PPCRV bilang citizens’ arm na pinahintulutan ng Commission on Elections (COMELEC) na magsagawa ng unofficial count ng resulta ng halalan.
Samantala, nanawagan naman sa bawat isa si Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., Chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Social Communications na patuloy na ipanalangin ang kapakanan ng bayan sa anuman ang maging resulta ng halalan.
Giit ni Bishop Maralit, anuman ang maging resulta ng eleksyon ay mahalagang patuloy na maging aktibo ang bawat mamamayan sa pagsusulong ng kabutihan at kapakanan ng buong bayan.
“We all need to continue to PRAY for our Country. And no matter the results of today’s elections we must continue to be active participants in our nation’s rebuilding.” Ang pahayag ni Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. sa Radio Veritas.