187 total views
“Hindi sapat na iligtas mo ang iyong kaluluwa, kailangan mong magligtas ng iba pang kaluluwa.”
Ito ang mensaheng natanggap ni Michael Hii – isa sa mga delegates ng 4th World Apostolic Congress on Mercy na nagmula sa Malaysia at isa sa laykong nagpasimula ng pagdedebosyon sa Divine Mercy sa kanilang Parokya.
Ayon kay Hii, taong 2009 nang ma-diagnose na mayroong Breast Cancer ang kanyang asawa na si Eileen Kueh, at araw-araw itong nanalangin sa Santissimo Sacramento sa Singapore, kung saan nagpapagamot ang kanyang asawa.
Bago matapos ang Radiation session ng kanyang asawa, tila nangusap ang Panginoon kay Hii sa harap ng Banal na Eukaristia at sinabi nitong “Hindi sapat na iligtas mo ang iyong kaluluwa, kailangan mong magligtas ng iba pang kaluluwa.”
Ayon kay Hii, sa una ay inisip nila kung paano maumpisahan ang pagliligtas ng ibang tao, ngunit dahil sa ipinakitang lakas at determinasyon ng kanyang asawang si Eileen habang nakikipaglaban sa kanyang karamdaman, naging inspirasyon ito para sa kapatid ni Eileen na si Alison, isang pagano, upang mahikayat na magpa-convert sa pagiging katoliko.
“Lord, are you speaking to me through Alison and Chris? Are we saving souls by our life style?” pagbabahagi ni Hii sa Radyo Veritas.
Dahil dito, itinuturing na milagro ni Hii at ng kanyang asawa ang paggaling nito mula sa Breast Cancer at ang pagkakahikayat sa kapatid nitong si Alison at ang kanyang asawang si Chris upang maging Kristiyano, at magpabinyag bilang mga katoliko
Bunsod nito, taong 2010, sinimulan ni Hii ang pagbuo ng grupong mag-aalay ng debosyon sa Divine Mercy sa kanilang Parokyang St. Peter Church sa ilalim ng Archdiocese of Kuching.