52,362 total views
Ang hindi pagkakapantay-pantay o inequality sa Pilipinas ay isang napakalalim at malawak na isyu. Malaki ang epekto nito sa lipunan, ekonomiya, at pulitika ng bansa. Sa kabila ng mga pagsisikap na ginagawa ng pamahalaan at iba’t ibang sektor upang mapabuti ang kalagayan ng mga mamamayan, nananatiling matindi ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap, edukado at hindi edukado, at may kapangyarihan at walang kapangyarihan. Dito sa ating bayan, damang dama ang hindi pagkapantay-pantay na ito. Ang ating bansa ay ang may pinakamataas na GINI coefficient sa anim na pinakamalaking bansa sa ASEAN– Nasa 41.58%. Ang GINI coefficient ay sukatan ng income inequality.
Ang hindi pagkakapantay-pantay sa Pilipinas ay makikita sa iba’t ibang larangan ng buhay. Isa sa pinakamatinding halimbawa nito ay ang ekonomiya. Tinatayang isang porsyento lamang ng populasyon ang nagmamay-ari ng malaking bahagi ng kayamanan ng bansa, samantalang milyon-milyong Pilipino ang patuloy na naghihirap at walang sapat na kita upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap ay lalo pang lumalawak dahil sa kawalan ng sapat na oportunidad para sa mahihirap na makakuha ng magandang trabaho at edukasyon.
Sa larangan ng edukasyon, makikita rin ang malaking agwat sa kalidad ng edukasyon na natatanggap ng mga mag-aaral mula sa pribado at pampublikong paaralan. Maraming pampublikong paaralan ang kulang sa pasilidad, kagamitan, at sapat na guro, kaya’t hindi natatanggap ng mga mag-aaral ang de-kalidad na edukasyon na kinakailangan upang maging handa sa hinaharap. Dahil dito, marami sa kanila ang nahihirapang makapasok sa magagandang unibersidad at makakuha ng maayos na trabaho.
Ang ugat ng hindi pagkakapantay-pantay sa Pilipinas ay malalim at komplikado. Isa sa mga pangunahing sanhi nito ay ang korapsyon sa gobyerno. Ang mga pondo na dapat sana’y ginagamit para sa mga programa at proyektong makatutulong sa mahihirap ay napupunta lamang sa bulsa ng ilang mga opisyal. Dahil dito, hindi nabibigyan ng sapat na suporta ang mga sektor tulad ng agrikultura, edukasyon, kalusugan, at pabahay.
Upang matugunan ang problema ng hindi pagkakapantay-pantay sa Pilipinas, kinakailangan ang malawakang reporma at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Mahalaga ang mga makabuluhang reporma sa agrikultura, sistema ng edukasyon, public health system, pati sa social protection. Mahalaga rin na labanan ang korapsyon sa lahat ng antas ng pamahalaan. Dapat tiyakin na ang mga pondo ng gobyerno ay magagamit nang wasto at tama para sa kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ng mga mahihirap.
Ang mithiin nating isang makatarungan at pantay-pantay na lipunan ay hindi natin makakamit kung business as usual lamang tayo at magbubulag-bulagan sa hirap ng ating mga kapwa Filipino. Paalala ng Gaudium et Spes: Excessive economic and social disparity between individuals and peoples of the one human race is a source of scandal. It militates against social justice, equity, human dignity, as well as social and international peace.
Sumainyo ang Katotohanan.