31,543 total views
Itinakda ng Archdiocese of Cotabato ang pagluklok kay Archbishop Charlie Inzon sa December 8, kasabay ng dakilang kapistahan ng Immaculada Concepcion.
Pangangasiwaan ni Cotabato Archbishop Emeritus Angelito Lampon ang rito ng pagluklok sa ganap na alas-tres ng hapon sa Immaculate Conception Cathedral sa Cotabato City.
Magbabahagi naman ng homiliya si Cardinal Orlando Quevedo, na dati ring arsobispo ng Cotabato.
Kasabay ng pagtanggap sa ikalimang arsobispo ng arkidiyosesis ang culmination ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng Archdiocese of Cotabato, gayundin ang episcopal coronation ng imahe ng Inmaculada Concepcion, ang patrona ng arkidiyosesis.
Ayon kay Archbishop Lampon, ang 2025 ay isang makasaysayang taon para sa lokal na simbahan ng Cotabato bilang pagkilala sa kasaysayan, malalim na pananampalataya, at patuloy na paglilingkod sa pamayanang Kristiyano.
Matatandaang noong September 8, itinalaga ni Pope Leo XIV si Archbishop Inzon bilang kahalili ni Archbishop Lampon matapos nitong maabot ang mandatory retirement age na 75 taong gulang.
Si Archbishop Charlie Inzon, na ipinanganak noong 1965 sa Pilar, Sorsogon, ay pumasok sa kongregasyon ng Oblates of Mary Immaculate (OMI) noong 1982 at nagkaroon ng perpetual profession noong 1990.
Nagtapos siya ng Philosophy sa Notre Dame University sa Cotabato City at ng Theology sa Loyola School of Theology ng Ateneo de Manila University sa Quezon City. Siya ay naordinahang pari ng OMI noong April 24, 1993, sa Caloocan City.
Bilang bagong pinuno ng Archdiocese of Cotabato, pangangasiwaan ni Archbishop Inzon ang mga lalawigan ng Cotabato, Sultan Kudarat, at Maguindanao, gayundin ang Cotabato City.






