18,180 total views
Tiniyak ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na mananatili itong tagapagbantay para sa katapatan at malinis na halalan sa bansa.
Ito ang pahayag ng election watchdog ng simbahan sa katatapos na National General Assembly kamakailan.
Ayon kay PPCRV National Communications and Media Head Ana de Villa Singson bagamat, non-partisan ang grupo patuloy nitong isusulong ang wastong edukasyon sa mamamayan lalo na sa 68 milyong botante para sa mga batayan ng mas maayos na pagpili ng mga ihahalal na mamumuno sa bayan.
“PPCRV remains steadfast in its commitment to truth, justice, and integrity. While our mission is non-partisan, we are never indifferent to the moral and ethical truths that anchor a just and democratic society,” ayon kay Singson.
Sa pagtitipon ng PPCRV kasama ang 159 na coordinators mula sa iba’t ibang diyosesis sa bansa muli itong nagkaisang manindigan sa pagtataguyod ng demokrasya at proteksyon sa integridad ng electoral process ng bansa lalo’t nalalapit na ang 2025 National and Local Midterm Elections.
“As we approach the 2025 midterm elections, we stand ready once again to serve as the informed conscience of the nation,” ani Singson.
Paiigtingin ng PPCRV ang values formation program na makatutulong sa mga Pilipino sa pagpili ng mga karapat-dapat na ihalal tuwing halalan sa pamamagitan ng Tibok Pinoy, limang aklat na nakatuon sa key values ng isang Filipino Model: ang pagiging MAKA -DIYOS, MATAPAT, MAGALANG, MATULUNGIN, MASIPAG,
MAKABAYAN habang ang ikaanim na aklat naman na MAPANURI ay naglalayong hubugin ang isang Model Netizen na nakatuon sa wastong kaugalian sa internet upang mahubog ang kasanayan sa pagtukoy sa mga makatotohanang impormasyon at labanan ang fake news, misinformation at disinformation.
Naniniwala ang PPCRV na sa wastong edukasyon, aktibong pakikibahagi at pagiging mapagmatyag ng mga Pilipino ay matiyak ang malaya, malinis at matapat na proseso ng halalan na kapaki-pakinabang sa mga susunod na henerasyon kaya’t hinimok nito ang mamamayan lalo na ang kabataan na makibahagi sa mga programa ng institusyon.
“We especially call upon the youth not just as the future of our democracy but as an essential part of its present. You young people have a critical role to play, not only for tomorrow but today,” dagdag ni Singson.
Ginanap ang pagtitipon ng PPCRV para ipagdiwang ang ika – 33 anibersaryo sa Pope Pius XII Catholic Center kung saan nagkaroon ng mga recollection at panayam gayundin ang pagdiriwang ng Banal na Misa na pinangunahan ni PPCRV Spiritual Counsel, Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon.