7,753 total views
Humiling ng panalangin at pakikipagtulungan si Cubao Bishop Emeritus Honesto Ongtioco sa mananampalataya ng diyosesis sa pagtalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco ng bagong obispo ng diyosesis.
Ayon kay Bishop Ongtioco,mahalaga ang suporta ng mananampalataya sa pagsisimula ng pagpapastol ni Bishop-elect Fr. Elias Ayuban, Jr., CMF.
“I humbly ask all the faithful of our diocese to extend a warm and wholehearted welcome to our new Bishop. Let us support him with our prayers and our cooperation as he begins his pastoral ministry with us,” bahagi ng pahayag ni Bishop Ongtioco.
Nitong October 4 sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Francisco de Assisi ay itinalaga ng santo papa si Bishop-elect Ayuban para pangasiwaan ang Diocese of Cubao makaraang maabot ni Bishop Ongtioco ang mandatory retirement age na 75 taong gulang.
Si Bishop-elect Ayuban na mula sa Loay Bohol ay ang ikalawang Filipino Claretian na naging obispo kasunod ng kapwa Boholano na si Bishop Leo Dalmao na kasalukuyang obispo ng Prelatura ng Isabela de Basilan sa Mindanao.
May 5, 1991 nang isinakatuparan ang religious profession sa Claretiam missionaries habang March 9, 1996 nang maordinahang pari.
Sa kasalukuyan si Bishop-elect Ayuban ang Provincial Superior ng Fr. Rhoel Gallardo Province na binubuo ng Pilipinas, Australia, Vietnam at Myanmar mula noong 2019 habang 2022 naman naging Co-chairperson ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP).
Nagtapos ng Canon Law sa Pontifical Lateran University sa Roma at nagturo sa Institute of Theology of Consecrated Life Claretianum.
Bukod sa mga pastoral assignments sa Claretian communities ng bagong halal na obispo ng Cubao nanilbihan din ito sa Roman Curia partikular sa Dicastery for Institutes of Consecrated Life and Societies of Apostolic Life.
Nagturo rin ito ng Canon Law sa University of Santo Tomas, Institute for Consecrated Life in Asia, Maryhill School of Theology at Recoletos School of Theology, naging Chairman ng Commission for the Consecrated Life ng Canon Law Society of the Philippines at Ecclesiastical Judge ng Diocesan Tribunal of Novaliches.
Itinakda naman sa December 3, 2024 ang episcopal ordination at canonical possession ni Bishop-elect Ayuban sa Immaculate Conception Cathedral ng Cubao kasabay ng kapistahan ni St. Francis Xavier, Patron of Missionaries.