16,789 total views
May 1, 2020-11:55am
Ang Paggawa ay daan tungo sa kabanalan.
Ito ang mensahe ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ngayong ipinagdiriwang ang ‘Araw ng mga Manggagawa’ kasabay ang Kapistahan ni San Jose bilang patron ng mga Manggagawa.
Hiniling ng Obispo na ipanalangin ang lahat ng mga manggagawa, lalo na ang mga manggagamot na humaharap sa pandemya at tumutulong upang bigyang lunas ang mga maysakit.
Ayon kay Bishop Ongtioco ang gawaing ito ang kanilang daan patungo kabanalan at buhay na ganap sa Panginoon.
“Ipagdasal po natin ang lahat ng mga manggagawa upang matuklasan nila ang paggawa ang pagtatrabaho ay daan ng kabanalan, daan patungo sa buhay na ganap,” bahagi ng pahayag ng Obispo.
Nagpaabot naman ng pagbati si Bishop Ongtioco sa ika-60 taong anibersaryo ng parokya ni San Jose Manggagawa sa Balintawak, Quezon City.
Ito ay isang makasaysayang pagdiriwang ayon sa Obispo dahil humaharap sa pagsubok na pandemya ang buong mundo dahil sa Corona Virus Disease kung saan malaking bahagi ng 43 milyon manggagawa sa buong bansa ay natigil ng trabaho dulot ng umiiral na lock down.
At sa kabila nito marami pa rin aniyang dapat na ipagdiwang at ipagpasalamat ang mga mananampalataya dahil ang lockdown ay naging daan upang magkaroon ng oras sa pamilya ang bawat isa.
Ayon kay Bishop Ongtioco hamon sa bawat pamilya na matularan ang pag-ibig at pangangalagang ipinamalas ni San Jose sa banal na pamilya.
Ang pagiging mapagpakumbaba ni San Jose ayon sa Obispo ang itinuro nito kay Hesus at ito rin ang dapat tularan ng bawat isa ngayong panahon ng krisis upang mapanatiling nakaugat sa Panginoon ang pananampalataya, pagtitiwala at pag-asa ng bawat tao.
“Hamon sa atin ang kababaang loob, sama-samang pagtutulungan, sama-samang paghahanap sa kalooban ng Diyos at pagsasabuhay nito… Harinawa itong pangkasalukuyang pandemya magbunga ng maraming grasya at biyaya, mapunan natin ang kahalagahan ng buhay, pamilya, panalangin ng pamilya, pagsuporta sa isa’t isa pagmamalasakit sa iba.” Dagdag pa ni Bishop Ongtioco.
Sa kasalukuyan mahigit na sa 8-libo ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, nagpapatuoy naman ang simbahang katolika sa paghahatid ng online church services upang mapalakas ang pananalig ng bawat mananampalataya sa panahon ng matinding pagsubok sa buong mundo.