174 total views
Mga Kapanalig, isa sa mga unang kautusan o executive order na inilabas ng bagong pangulo ng Estados Unidos na si Ginoong Donald Trump ay ang pansamantalang hindi pagpapapasok sa mga refugees mula ng mga bansang karamihan sa mga mamamayan ay Muslim, partikular na ang Iraq, Iran, Libya, Somalia, Sudan, at Yemen. Indefinite ban naman ang isasakatuparan para sa mga refugees mula sa Syria, na hanggang ngayon ay nababalot pa rin ng karahasan at matinding kahirapan. Batay sa pamagat nito, layunin ng kautusan na pangalagaan ang Amerika mula sa bantang dala ng mga taong mula sa mga bansang para sa administrasyong Trump ay pinagmumulan ng mga terorista. Sa isang banda, inaasahan na ang ganitong uri ng hakbang ni Pangulong Trump lalo na’t noong kampanya ay ipinangako niyang uunahin ang interes ng kanyang bansa kahit pa mangailangan ito ng pagtatayo ng pader sa hangganan o borders ng Amerika at Mexico.
Gaya rin ng inaasahan, hindi naging maganda ang pagtanggap ng maraming Amerikano sa kautusan ni Pangulong Trump. Pagkatapos niyang lagdaan ang executive order, nagdagsaan sa mga paliparan ang mga Amerikano upang tuligsain ang kautusang anila ay katumbas ng pagbabawal sa mga Muslim na tumuntong sa Amerika. May mga abugado pang nag-alok ng tulong sa mga dayuhang ipiniit o ginipit ng mga awtoridad bilang pagsunod sa kautusan. Kumalat kasi ang mga ulat na maraming tao mula sa mga binanggit na bansa ang hindi na pinayagang magbiyahe papasok ng Amerika, habang ang mga lumapag naman sa mga paliparan ay kailangang dumaan sa butas ng karayom o kaya naman ay puwersahang pinabalik sa bansang kanilang pinanggalingan.
Sa harap ng isyung ito, hindi maiwasang maalala natin ang pangaral ni Hesus tungkol sa paghuhukom: magtitipun-tipon ang lahat ng tao, pagbubukud-bukurin, at aanyayahang pumasok sa kaharian ng Diyos ang mga pinagpala, sapagka’t, sasabihin ng Panginoon, “ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy” (Mateo 25:35). Ang hakbang ni Pangulong Trump ay isang pagtataboy sa mga dayuhan, sa mga taong nangangailangan at lubhang nagdurusa. Para na rin itong pagsasara ng pinto kay Hesus. Minsan nang sinabi ni Pope Francis na ang isang taong nag-iisip na magtayo ng pader upang harangan ang pagpasok ng kanilang kapwa, sa halip na magtayo ng tulay na tatanggap sa kanila, ay hindi maka-Kristiyano. Salungat ito sa mensahe ng Ebanghelyo.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng mga namumuno ng United States Conference of Catholic Bishops o USCCB ang kanilang pakikiisa sa mga Muslim refugees na matinding maapektuhan ng kautusan ni Pangulong Trump. Naniniwala silang bagama’t tungkulin ng gobyernong tiyaking ligtas ang kanyang mga mamamayan, dapat pa rin nitong igalang ang pananampalataya ng mga tao at hindi dapat gamitin ang relihiyon bilang batayan ng paghihigpit at panggigipit. Ang kailangang tugunan, ayon sa mga obispo sa Amerika, ay ang kapakanan ng mga taong desperadong takasan ang karahasan at matinding kahirapan sa kanilang bayan. Ang pagtanggap sa mga dayuhang nangangailangan ay nasa kaibuuturan ng tunay na buhay-Kristiyano.
Pagnilayan natin, mga Kapanalig, ang mga nangyayari dito sa ating lipunan. Sa anu-anong pagkakataon natin ipinipinid ang pinto para sa mga kapwa nating nangangailangan? Sa aling mga pagkakataon natin itinataboy ang mga taong nanganganib ang buhay? Isinasara rin ba natin ang ating mga pinto kay Hesus?
Totoong karapatan nating mamuhay nang ligtas at matiwasay. Kailangan din nating protektahan ang ating mga sarili mula sa anumang panganib. Ngunit sa pagkamit natin ng ating kaligtasan, may mga tao ba tayong itinataboy papalayo? May mga tao ba tayong tinatalikuran? Hindi lamang ito tumutukoy sa mga dayuhan; kahit ang mga kapitbahay natin, ang mga kapwa Pilipino natin, lalo na ang mga mahihirap at nangangailangan, ay madalas na talikuran ng marami sa atin. Kung wala tayong pakialam sa iba, kung hinahayaan lang nating saktan, takutin, at patayin sila sa ngalan ng kaayusan, isinasantabi, itinataboy, at hinahayaan nating patayin si Hesus.
Sumainyo ang katotohanan.