330 total views
Tungkulin ng lahat ng binyagan na maging katuwang ng Simbahan sa pagpuna at pagtutuwid sa mga nalihis ng landas pabalik sa Panginoon.
Ito ang binigyang diin ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa paksa ng paghahanda sa ika-500 ng Kristiyanismo sa Pilipinas at sa naging Kapistahan ng Pagbibinyag kay Hesus.
Ayon sa Obispo, ang pagkakatawang tao ni Hesus ay hindi lamang upang tupdin ang pangakong kaligtasan ng Panginoon kundi upang gabayan rin ang buhay ng sangkatauhan papalapit sa liwanag ni Kristo.
Iginiit ni Bishop Pabillo na mahalaga ang liwanag ng katotohanan, kapayapaan, katarungan at pag-ibig ni Hesus sa lahat ng aspekto ng buhay ng bawat isa.
“Jesus came not only to bring salvation to our souls, he has come to all our human condition now and in the life to come, kaya bilang mga binyagan dapat nating ilapit ang lahat sa liwanag ni Kristo, ano ba ang liwanag ni Kristo, ito ay liwanag ng Katotohanan, liwanag ng kapayapaan, liwanag ng katarungan, liwanag ng pag-ibig and all of this truth, peace, justice and love are needed in all our dealings be it in church, be it in our families, be it in business, be it in politics, be it in social media.”pagninilay ni Bishop Broderick Pabillo.
Paliwanag ng Obispo, bahagi ng tungkulin ng mga binyagan na maging katuwang ng Simbahan sa pagpuna at pagtutuwid sa mga nalilihis sa landas ng Panginoon tulad ng kawalan ng katarungan.
Inihayag ni Bishop Pabillo na higit na kailangan ng mga binyagan na makialam at makibahagi sa mga usaping panlipunan bilang katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita at pangako ng kaligtasan ng Panginoon.
“Kaya masasabi ng iba na okey lang magsalita ang Simbahan laban sa kasinungalingan sa bahay pero hindi sa kasinungalingan sa gobyerno, at ngayon ay may malaking issue tayo tungkol sa kasinungalingan sa paggamit ng vaccine exempted ba ang gobyerno o ang business sa kaligtasan na dala ni Kristo, ang lahat ng institusyon na lihis sa katotohan, sa kapayapaan, sa katarungan at sa pag-ibig ay kailangan punahin at ituwid, ito ay tungkulin ng lahat ng binyagan, ng bawat isa sa atin.” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ipinaliwanag rin ng Obispo na bukod sa isang biyaya ay may kaakibat rin na tungkulin ang sakramento ng binyag na tinatawagan ang bawat isa upang maging misyunero at ibahagi sa kapwa ang biyaya ng pananampalataya.
Sinabi ni Bishop Pabillo na ito ay hamon at panawagan para sa paghahanda ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas na Year of Missio Ad Gentes na may temang Gifted to love.