230 total views
Huwag ipatala ang mga bata sa overcrowded na paaralan. Ito ang pakiusap ni Department of Education (DepED) Undersecretary for Planning and Field Operations Jesus Mateo sa mga magulang kaugnay sa nalalapit na pagbubukas ng school year 2017-2018 sa ika-4 ng Hunyo. Ipinaliwanag ni Mateo na hindi matututukan ng husto ang bawat mag-aaral kung marami silang nagsisiksikan sa loob ng isang silid-aralan.
“Ang pakiusap natin, sana nagpa-early register na sila kasi may mga paaralan na marami talagang estudyante samantalang mayroon naman na kokonti ang estudyante. Sana huwag nilang ipagsiksikan ang sarili nila doon sa mga paaralan na siksikan na talaga. Mahirap mag-aral kapag punong puno kayo,”panawagan ni Mateo.
Ayon sa DepED, ang isang silid-aralan sa Kindergarten ay dapat okupahan lamang ng 25 estudyante, 30 naman kung Grade 1 at 2 habang nasa 45 ang kapasidad ng mga silid-aralan ng Grade 3 at mas mataas na baitang. Bilang tugon sa limitadong espasyo ng mga estudyante ay kumukuha ng mas maraming guro ang kagawaran na siyang sasagot sa tumataas na bilang ng enrollees sa elementarya at sekondarya kada taon. Patuloy naman ang ginagawang paghahanda ng DepED katuwang ang Philippine National Police, Department of National Defense, Department of Public Works and Highways at iba pang ahensya ng pamahalaan upang masigurado ang kaligtasan at tagumpay ng pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.
Magugunitang may pinakamalaking alokasyon sa 2017 budget ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kagawaran ng Edukasyon kung saan tumanggap ito ng P544.1 billion piso, mas mataas sa P433 billion noong nakaraang taon.