10,217 total views
Muling isinagawa ng face-to-face ang One Million Children Praying the Rosary campaign ng sanggay ng pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need (ACN) makalipas ang tatlong taon mula ng maganap ang COVID-19 pandemic noong taong 2020.
Isinagawa ang sabay-sabay na pananalangin ng Santo Rosaryo para sa pagkakaisa at kapayapaan sa Immaculate Conception Cathedral ng Diyosesis ng Pasig sa pangunguna ng mga mag-aaral ng Pasig Catholic College at mga seminarista ng Our Lady of Guadalupe Minor Seminary.
Pinangasiwaan ang gawain ni Rev. Fr. Mariano Baranda – Parish Priest ng Immaculate Conception Cathedral ng Diocese of Pasig.
Pinasalamatan naman ng Aid to the Church in Need-Philippines (ACN) sa pangunguna ni ACN-Philippines Administrator Rev. Fr. Jimmy Marquez na siya ring Procurator at Head Spiritual Director ng Our Lady of Guadalupe Minor Seminary ang Diyosesis ng Pasig sa pagsisilbi host sa One Million Children Praying the Rosary campaign.
“Itong project na ginagawa nila (ACN ng Papal Foundation) every year so itong rosaryo, so ito yung venue ang ganda ng venue na nakakatuwa na kasama tayo ng (Diocese of) Pasig sa kanilang anibersaryo ng 450years at 20years ng pagiging diocese nila. 450 sa kanilang pananampalataya at pagkatapos sa pamamagitan ng rosaryo ay hindi ba ang mensahe ng ating Mahal na Birhen for peace and unity diba yun ang gusto niya, if you want to be called the children of God you promote peace.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Marquez sa Radio Veritas.
Layunin ng Worldwide Prayer Event na nagsimula noong 2005 na isulong ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo mula sa iba’t ibang panig ng mundo kabilang na sa Pilipinas nang inilunsad ang gawain sa bansa noong taong 2016.