330 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth sa mga kabataang nasa wastong edad na magparehistro para sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng kumisyon, ang kapangyarihang bumoto ay isang mahalagang tungkulin at pananagutan para sa bayan.
Iginiit ng Obispo na tanging sa pamamagitan ng pakikibahagi sa halalan at pagpili ng mga karapat-dapat na mga opisyal ay nagkakaroon ng totoong partisipasyon ang taumbayan sa usapin ng pulitika at pamamahala sa bansa.
Binigyan diin ni Bishop Alarcon na ang isang boto ay napakahalaga at makapangyarihan upang magdulot ng pagbabago at pag-unlad sa kinabukasan ng bansa.
“I invite, encourage and urge our young people to register for the upcoming election because yun ang ating contribution at ang atin ding obligation sa society and sa community yung pagpili ng ating mga leaders and that is also how we participate. Elections are times when we participate directly in governance also that is how we also make a difference even by single vote speak of what is call the power of one, kahit isa ka lang napaka-powerful yan.”pahayag ni Bishop sa panayam sa Radio Veritas.
Inihayag ng Obispo na sa pamamagitan ng internet at makabagong teknolohiya ay maaaring malaman ng mga kabataan kung ano ang dapat na gawin upang mapagparehistro para sa kasalukuyang voter’s registration ng Commission on Elections.
“So I encourage our dear mga kabataan na mag-register, kung hindi niyo alam check on the internet, magtanong sa inyong local office so that you will be able to participate in the upcoming elections.”Dagdag pa ni Bishop Alarcon.
Unang nanawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga kabataan na hindi pa rehistrado at mga nasa edad 18-taong gulang sa Mayo ng susunod na taon na magparehistro na upang maging isang ganap na botante.
Magtatagal ang kasalukuyang voters registration hanggang sa pagtatapos ng Setyembre ng kasalukuyang taon kung saan target ng komisyon ang pagpapatala ng may 4-na-milyong registrants sa buong bansa.