15,534 total views
Inaanyayahan ng National Capital Region Youth Coordinating Council ang mananampalataya lalo na ang mga kabataan na makiisa sa pilgrimage ng World Youth Day symbols sa rehiyon.
Ayon kay NCR-YCC Youth Director Fr. John Harvey Bagos, ito ay pagkakataon na paalalahanan ang mga kabataan lalo na ang mga dumalo sa WYD na ang pandaigdigang pagtitipon ay paraan upang higit na mapalapit kay Hesus.
“Ang pagbisita ng World Youth Day symbols (WYD Cross & Salus Populi Romani) ay nagpapaalala sa paanyaya na ang World Youth Day ay isang pagtitipon upang lalong makilala si Hesus sa pamamagitan ng kanyang mapagligtas na tanda ng krus at ang gabay at proteksyon ng Mahal na Ina,” pahayag ni Fr. Bagos sa Radio Veritas.
Sa June 19 magsisimula ang paglilibot ng WYD symbols sa NCR sa Diocese of Paranaque, June 20 sa mga diyosesis ng Antipolo at Novaliches, June 21 sa Cubao at Pasig, June 22 sa Kalookan at magtatapos sa June 23 sa Archdiocese of Manila.
Sinabi ni Fr. Bagos na naghahanda ang bawat diyosesis ng mga programa sa pagtanggap ng WYD symbols kung saan inaasahan ang pagtitipon ng mga kabataang may karanasan sa WYD at maging sa mga local celebrations.
“Inaasahan nating ito ang magiging pagkakataon na magkita-kita lahat ng mga naka-experience ng WYD mula 1995 hanggang sa kasalukuyan; magkaroon ng pagkakataon na mas mapalalim ang buhay espiritwal ng mga kabataan,” ani Fr. Bagos.
Ibinahagi ng pari na sa Diocese of Novaliches tatanggapin ang WYD symbols sa Kristong Hari Parish and Shrine of the Youth kung saan magkaroon ng enthronement sa alas tres ng hapon na susundan ng veneration of the Cross.
Sa alas 4:30 ng hapon dadalhin ang WYD symbols sa San Bartolome de Novaliches Parish kung saan isasagawa ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa alas sais ng hapon na pangungunahan ni Fr. Bagos, kasunod ng misa ang ‘encounter with the young’, Holy Hour sa alas nuebe, closing rites sa alas 10 habang sa alas onse ng gabi ihahatid ito sa Diocese of Cubao.
Sa June 23 pangunguhanan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang sendoff mass ng WYD symbols sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception sa alas dose ng tanghali bago dadalhin sa Taiwan.
Ang pilgrimage ng WYD symbols sa Pilipinas ay bahagi ng paghahanda ng Archdiocese of Seoul sa Korea sa gaganaping World Youth Day sa 2027.
Naging bahagi rin ang WYD symbols sa katatapos na National Youth Day sa Archdiocese of Cacers sa Naga City noong June 10 – 14 na dinaluhan ng 8, 000 delegadong kabataan mula sa 84 na ecclesiastical territories at 22 organisasyon.