282 total views
Aminado si Sister Ramona Tendon, Social Action Directress ng Apostolic Vicariate of Jolo, Sulu na mayroong mga kabataan o mga out-of-school-youth ang umaanib na miyembro ng mga armadong grupo sa Jolo partikular na sa Abu Sayaff Group.
Tinukoy ni Sister Tendon na isa sa pangunahing dahilan ng pagsali ng mga kabataan sa bandidong grupo ay kawalan ng sapat na edukasyon na dulot ng labis na kahirapan partikular na ng mga pamilyang naninirahan sa mga liblib na lugar sa lalawigan.
“Especially those who are from you know sa bundok, yung mga kabataan doon na hindi nag-aaral, hindi makapag-aral because of poverty, ‘yun talagang increasing in number yung out of school youth natin so where will they go if the government will not really work on them? If they will join, maganda po ang propaganda ng armed groups,”pahayag ni Sister Tendon sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, hinimok ng Madre ang pamahalaan na huwag lamang tutukan ang pagtugis at paglansag sa mga armadong grupo kungdi tiyakin ang kalagayan at kapakanan ng mga residenteng apektado ng gulo.
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2013, nasa 4 na milyon ang out of school youth sa buong bansa na may edad 6 hanggang 34 na taong gulang.
Sa ulat naman ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), simula ng sumiklab ang digmaan sa Mindanao, nasa mahigit 60-libo na ang nasawi, 2 milyon ang internal refugees habang nasa 6-bilyong piso na ang pondong nailaan para sa pagtugis sa mga bandido at rebelde sa rehiyon.