317 total views
Ang kalagayan at sitwasyon sa buhay ng isang pamilya na walang kakayahan at paraan ang mga magulang na palakihin ng maayos ang mga anak sa isang normal na pamayanan ang isang dahilan sa pag-anib ng kabataan sa armadong grupo o pagiging Child Warriors o Child Soldiers.
Ayon kay Rev. Fr. Conegundo Garganta – Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Youth, ang kawalan ng kakayahan na hubugin ng tama at bigyan ng naangkop na pormasyon ang mga bata ang dahilan kung bakit mas namamayani ang ideyolohiya ng mga armadong grupo sa mga kabataan lalo sa mga malalayo at liblib na lugar sa bansa.
Bunsod nito, inihayag ng Pari na nawawalan rin ng kakayahan ang mga magulang na ilayo ang kanilang mga anak sa naturang kalagayan.
“Karaniwang naririnig nating kuwento ng mga bata na nai-engage into paghawak ng armas ay doon sa mga lugar na mga remote and isolated na wala silang ibang naririnig na paraan ng paghubog o pormasyon kundi yung ideyolohiya na naghahatid sa pagkiling sa paggamit ng armas o ng sandata”.pahayag ni Father Garganta sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito batay sa pagsusuri ng United Nations, nananatiling malaking problema sa Pilipinas ang patuloy na paggamit sa mga kabataan bilang child soldiers ng iba’t-ibang armadong grupo tulad ng Moro Islamic Liberation Front, New People’s Army, Moro National Liberation Front, Abu Sayyaf Group at maging Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Mindanao.
Gayunpaman sa kabila ng pagiging isa sa itinuturing na pangunahing “separatist rebel group” ay isang kasunduan ang nilagdaan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at UNICEF o United Nations Children Fund noong 2009 upang itigil na ang paggamit o recruitment ng mga kabataan para sa pakikipaglaban.
Dahil dito, ngayong Pebrero lamang ng kasalukuyang taon ay tuluyan ng pinalaya ng MILF ang unang batch ng child warriors nito na nasa 1,800 bilang pagtugon sa naturang kasunduan habang inaasahan pa ang pagpapalaya sa mga susunod pang batch ng mga kabataan.
Una nang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pangangalaga sa mga kabataan sapagkat sa tulong ng katapangan, kakayahan at kaalamang taglay ng mga kabataan ay mas mabibigyang pag-asa ang kasalukuyang lagay ng lipunan dulot ng dalisay na pag-asa at intensyong nagmumula sa wagas na pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan.