325 total views
Umaasa ang isang Arsobispo ng Mindanao na makahanap na ng solusyon ang bagong administrasyon para makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Ito ang hinahangad ni Zamboanga Archbishop Romulo de la Cruz sa pamumuno ng kauna-unahang Pangulo mula sa Mindanao na si Rodrigo Duterte.
“I wish him (Duterte) success in all his endeavors for the good of the people in Mindanao especially the poor. Sana po ay makahanap ang presidente ng paraan upang maresolba ang malaking problema sa rehiyon lalong-lalo na ang Muslim areas at sa mga rebel infested areas,” dasal ni Archbishop dela Cruz.
Umaasa ang Arsobispo na tutukan ni Pangulong Duterte ang laganap na kahirapan lalo na sa sektor ng agrikultura, pangingisda maging sa housing na malaking suliranin sa Mindanao.
Nabatid na kada taon tumataas ang pondong inilalaan sa Mindanao.
Ngayong taong 2016, 25-porsyento ang itinaas ng budget o kabuuang 380.9-bilyong pisong pondo ang inilaan para sa imprastraktura, agrikultura, pangkabuhayan at iba pang social services.
Sa kabila nito, lumabas sa 2015 survey ng Philippine Statistics Authority na 11 mula sa 20-pinakamahirap na probinsiya sa Pilipinas ay nasa Mindanao.