170 total views
Ito ang paniniwala ng Together Ensemble Foundation matapos magbahagi sa Caritas Manila ng isang ambulansya na gagamitin para sa mga mahihirap na nangangailangan ng atensyong medikal.
Ayon kay Mr. Ramon Moreno Jr., Chevalier, Executive Vice President ng Together Ensemble Foundation, sa mahigit 30-taon nila pagsasagawa ng disaster response aid and development program ay napatunayan ng grupo na ang Simbahang Katolika ay isa sa mga tunay na mapagkakatiwalaan at nakakaabot sa mga pinakanangangailangan.
Iginiit nito na ito ang dahilan kaya naman agad silang nakipagtulungan at ipinagkatiwala sa nasabing social arm ng Archdiocese of Manila ang pangangalaga ng ambulansya.
“Sa tagal ng panahon na naninilbihan po kami sa ganitong uri dito lang sa Caritas [Manila] at [Radio] Veritas makikita natin na ang tulong na binibigay natin ay talagang umaabot sa mga nangangailangan ng tulong sa mga tamang tao at dito tayo makakasigurado na tinitiwalaan po natin ng husto,”pahayag ni Mr. Moreno sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinagpasalamat naman ni Rev. Fr. Ricardo Valencia, Priest Minister ng Disaster Response and Preventive Health Program ng Caritas Manila ang pagtitiwala at pagtulong sa kanila ng Together Ensemble dahilan upang lalo pang pagbutihin ng kanilang institusyon ang pagtugon sa mga dukha at nangangailangan.
“Gusto namin ipa-abot sa ating partners sa together and ensemble ang malugod naming pasasalamat sa ngalan ni Fr. Anton Pascual at ng atin butihing Cardinal Chito Tagle ang aming taos pusong pasasalamat dahil sa kanilang kabutihang loob sa pagtulong sa ating mga kababayan na maabot ng serbisyo nitong ambulance na ito,” pahayag ni Fr. Valencia.
Ito na ang ikalawang sasakyang pangmedisina na natanggap ng Caritas Manila ngayon taong 2016 kung saan ang una ay mula naman sa Estados Unidos sa pamamagitan ng Bernabite Heart to Heart Ministry.