2,271 total views
Binigyang diin ni Greenpeace Southeast Asia Executive Director Naderev Saño na ang pagsusunog ng fossil fuels mula sa mga coal-fired power plants ang pangunahing dahilan ng pagtindi ng climate change.
Iginiit ni Saño na lubhang mapaminsala ang ganitong uri ng pinagmumulan ng enerhiya at ang pangunahing napipinsala ng masamang epekto nito ay ang mga mahihirap sa mga lokal na komunidad na kinatatayuan ng mga planta.
“Ang pangunahing sanhi ng climate change ay yung pagsusunog natin ng fossil fuels, at lalo na yung pagtatayo ng mga coal-fired power plants at nakakalungkot na yung ating sariling bansa na tinatamaan ng napaka tindi ng mga epekto ng climate change ay tayo pa ang nagtatayo ng maraming coal plants at hindi natin tingnan yung mga mas malinis na mas likas na kayang pamamaraan upang umunlad,” pahayag ni Saño sa Radyo Veritas.
Natukoy ng United States Environmental Protection Agency, na ang mga coal power plants ang pangunahing dahilan ng pagdami ng carbon emissions na naiipon sa kalawakan na siya namang dahilan ng pag-init ng mundo.
Sa ulat ng Center for Global Development, ang Pilipinas ay pang 32 sa limampung mga bansang may pinaka mataas na carbon emission kung saan umabot sa 35,900,000 tons of CO2 emissions ang ibinubuga ng mga planta sa Pilipinas kada taon.
Sa kasalukuyan ay mayroong 19 na coal-fired power plants sa ating bansa.
Samantala, lubos na inaabangan ng mga makakalikasang grupo ang pagtupad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pronouncements na unti-unting paglipat mula sa maruming pinagkukunan ng enerhiya patungo sa renewable energy.
Magugunitang iminungkahi ni Pope Francis, sa encyclical nitong laudato si ang pagpapalawak ng pag-gamit sa renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.