16,445 total views
Binigyang-diin ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na kinakailangan ng bansa ang isang “revolution of integrity” upang wakasan ang talamak na korapsyon na sumisira sa lipunan at mga institusyon ng pamahalaan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng kardinal na ang pagkilos ng mamamayan ay hindi dapat ituring na laban sa gobyerno, kundi isang paraan upang lutasin ang mga suliranin ng estado at patatagin ang mga demokratikong institusyon.
“We seek not the collapse of the state but its redemption. What the country needs is not another revolution of rage, but a revolution of integrity,” ayon kay Cardinal David.
Ipinaliwanag ng obispo na ang sigaw ng mamamayan na “ibagsak” ay hindi panawagan upang wasakin ang gobyerno kundi upang buwagin ang mga bulok na sistemang mapanlinlang na nagpapahina sa pundasyon ng pamahalaan.
Binigyang diin ni Cardinal David na ang tunay na pagkakaisa ay hindi maaaring itayo sa kasinungalingan at patronahe, at ang korapsyon ay hindi lamang usaping politikal kundi isang sakit na espiritwal.
“True unity cannot be built on lies or patronage. Corruption is not merely a political sin—it is a spiritual sickness. It erodes trust, breeds cynicism, and kills the soul of the nation,” giit ng kardinal.
Bilang paalala, binigyang-diin ni Cardinal David na ang pananampalataya ay nagtuturo ng pagdalisay at hindi paglipol.
Inihalintulad ito ng kardinal sa mapayapang 1986 EDSA People Power Revolution, kung saan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mamamayan ay muling naibalik ang demokrasya mula sa dalawang dekadang diktaduryang pamamahala.
“It would be a betrayal of that grace if, in the face of corruption today, we were to abandon democracy in favor of another shortcut—be it a revolutionary government or a civilian-military junta,” dagdag pa ng kardinal.
Ayon sa kanya, patuloy na namamayagpag ang korapsyon sa lipunan dahil sa kamangmangan at kawalang-pakialam. Dahil dito, muling pinagtibay ng Simbahan ang tungkulin nitong hubugin ang moralidad at konsensiya ng mamamayan upang manindigan laban sa katiwalian.
“The Church is called to provide a moral compass in public life, not by claiming political power but by forming consciences,” paliwanag ng obispo.
Binanggit din ni Cardinal David na malinaw ang hamon sa mga Pilipino: buwagin ang mga sistemang tiwali na unti-unting sumisira sa mga institusyon ng bansa, at pagtibayin ang pagkakaisa ng Simbahan, akademya, negosyo, at lipunang sibil upang maitaguyod ang reporma at kabutihang panlahat.
Kabilang sa kanyang mga panawagan ang pagbabalik ng epektibong checks and balances, paglaban sa disimpormasyon, reporma sa halalan, pagwawakas ng patronage politics at political dynasties, at pagpapatatag ng moral na pundasyon ng paglilingkod-bayan.
“We must restore the systems of checks and balances, counteract disinformation, reform the electoral process, end patronage politics and political dynasties, and renew the moral foundations of public service,” ayon kay Cardinal David.




