19,152 total views
Muling nanawagan si Pope Leo XIV ng dayalogo para sa tunay na kapayapaan sa Holy Land.
Sa kanyang Angelus sa Vatican, hinimok ng Santo Papa ang mga magkatunggaling panig na ipagpatuloy ang napiling landas tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, at igalang ang karapatan ng mga mamamayan ng Israel at Palestine.
“I encourage the parties involved to continue courageously on the path they have chosen, towards a just and lasting peace that respects the legitimate aspirations of the Israeli and Palestinian peoples,” ayon kay Pope Leo XIV.
Ang pahayag ay kasunod ng anunsiyo hinggil sa inisyal na kasunduan sa pagitan ng Israel at Hamas upang wakasan ang dalawang taong digmaan at palayain ang mga bihag sa magkabilang panig.
Binigyang-diin ng Santo Papa na walang mabuting naidudulot ang digmaan kundi pagkawasak at matinding dalamhati sa mga mamamayan.
“Two years of conflict have caused death and destruction throughout the land, especially in the hearts of those who have brutally lost their children, parents, friends, and possessions,” aniya.
Tiniyak din ni Pope Leo ang patuloy na pakikiisa ng Simbahan sa mga biktima ng digmaan sa iba’t ibang panig ng mundo, at ang panalangin para sa paghilom sa tulong ng Panginoon.
“We ask God… to help us accomplish what now seems humanly impossible: to remember that the other is not an enemy, but a brother or sister to be seen, forgiven and offered the hope of reconciliation,” dagdag ng santo papa.
Kasabay nito, muling umapela ang Santo Papa sa pagtatapos ng karahasan sa Ukraine at sa pagbubukas ng panibagong landas ng dayalogo sa pagitan ng Russia at Ukraine, matapos ang mga panibagong pagsabog na kumitil ng maraming buhay, kabilang ang mga bata.
“I renew my appeal to put an end to violence, to stop destruction, to open up to dialogue and peace. My heart goes out to those who suffer, who have been living in anguish and deprivation for years,” giit ng Santo Papa.
Hinimok din ng punong pastol ang lahat ng mananampalataya na magbuklod sa pananalangin, kasama si Maria na Ina ni Hesus, upang hilingin ang pamamagitan ng Diyos para sa ganap na kapayapaan at sa pagwawakas ng mga suliraning labis na nakaaapekto sa buhay ng sangkatauhan.




