326 total views
Kambal na Krus Ang ika-96 na taong Kapistahan ng Kambal na Krus ay isang mahalagang patunay sa patuloy na pagiging matatag, matingkad at malawak ng debosyon at pananampalataya sa Panginoong Hesukristo.
Ito ang ibinahagi Rev. Fr. Joselino B. Tuazon -Kura Paroko ng St. Joseph de Gagalangin Parish na nangangasiwa sa Kambal na Krus Chapel kaugnay sa pagdiriwang ng ika-96 na taong anibersaryo ng Pagkakatuklas sa Mahal na Patrong Kambal na Krus na may temang “Kambal na Krus: Sagisag ng kalayaan ni Kristo, huwaran ng mga kaparian at mga nag-konsegra ng buhay sa Diyos”.
“Itong ika-96 na pagdiriwang o taon ng Kapistahan ng Kambal na Krus ay isang mahalaga sapagkat ito ay isang debosyon na lumawak at ang pagdiriwang ng Kambal na Krus ay nagpapatunay na ang ating pananampalataya sa ating Panginoong Hesukristo ay matingkad at matatag…” pahayag ni Fr. Tuazon sa panayam sa Radyo Veritas.
Ayon sa Pari, bagamat walang kambal na krus dahil nag-iisa lamang ang krus na kinamatayan ni Hesus ay sumisimbolo ito na ang krus ay si Hesus at ang bawat mananampalataya ay dapat na may kakambal na kalooban ng tulad ni Hesus na matapang na niyakap ang kanyang Krus.
Dahil dito, hinimok ni Fr. Tuazon ang mga deboto na huwag mag-alinlangang yakapin at pasanin ang kanilang krus sa pang-araw-araw at sundan si Hesus hindi lamang sa kanyang naranasang mga kalbaryo kundi sa kanyang naging tagumpay sa krus sa kanyang muling pakabuhay.
Samantala, umaasa naman si Fr, Tuazon na patuloy pang maging maalab ang debosyon at pananalangin ng mga mananampalataya hindi lamang tungkol sa Kambal na Krus kundi maging sa pagpapahayag ng debosyon kay Hesus sa pamamagitan ng pagkakaisa upang makamit ang katarungan, katotohanan, kapayapaan at kaunlaran.
Naitatag ang Kambal na Krus Chapel noong March 23, 1922 sa pamamagitan ng karpenterong si Crispino Lacandaso.
Ayon sa mga salaysay kasalukuyang pinuputol noon ni Lacandaso ang isang natumbang 100-taong puno ng Sampaloc sa isang bakanteng lote sa Juan Luna St. Gagalangin, Tondo ng kanyang matuklasan ang itim na marka ng krus sa parehong bahagi ng kanyang hinating kahoy.
Pagkaraan nito ay inilagay na ang dalawang kahoy na may marka ng krus sa isang salaming na sisidlan upang maprotektahan mula sa pagkasira at mapanatili ang orihinal nitong anyo mula sa dami ng mga mananampalatayang nais itong makita at maalayan ng panalangin na dahilan upang mabuo ang Kambal na Krus Chapel sa Raxabago Street, Tondo Manila.
Ika-23 ng Marso ang tunay na petsa ng maitatag ang kapilya ngunit karaniwang ipinagdiriwang ang kapistahan nito tuwing ikatlong Linggo ng Marso.
Nasa ilalim ang visita ng pangangasiwa ng St. Joseph de Gagalangin Parish na sumasaklaw sa may 7-barangay (Ang barangay 147, 149, 150, 151, 154, 157, 158 at 160).