119,278 total views
Mga Kapanalig, kapayapaan sa sangnilikha!
Noong isang linggo, binuksan natin ang “Panahon ng Sangnilikha” (o “Season of Creation”). Ipinagdiriwang ng Simbahan ang panahong ito mula sa unang araw ng Setyembre hanggang sa ikaapat ng Oktubre, kapistahan ni San Francisco ng Assisi, ang patron ng mga hayop at kilalang tagpagtaguyod ng sangnilikha.
Kahapon, ipinagdiwang natin ang unang misa para sa “Pangangalaga sa Sangnilikha” (o “Care of Creation”) matapos aprubahan ni Pope Leo XIV ang pagkakaroon ng tinatawag na Votive Mass para dito. Ang Votive Mass ay isang uri ng misa sa Simbahang Katoliko na ipinagdiriwang para sa isang partikular na intensyon o debosyon. Sa pagtitipon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP) noong Hulyo, napagkasunduang ganapin ang Votive Mass for the Care of Creation sa bansa sa unang linggo ng Setyembre. Layunin nitong sama-sama nating pasalamatan ang Diyos sa biyaya ng sangnilikha at panumbalikin ang ating misyon bilang mga katiwala ng ating common home.
Ang Season of Creation ay hindi lamang para sa mga Katoliko. Iba’t ibang Kristiyanong mananampalataya mula sa maraming dako ng mundo ang kaisa natin sa pagdiriwang nito. Patunay ito na universal na suliranin ang pagkasira ng kalikasan at pagyurak sa dangal ng sangnilikha. Ibig sabihin, lahat ay apektado sa pagtangis ng sangnilikha. Wala itong pinipiling relihiyon, kasarian, edad, o lahi.
Damang-dama na nga ang mga epekto ng pagkasira ng kalikasan na pinatindi pa ng climate change. May mga bansang lumulubog na dahil sa pagtaas ng sea level kagaya sa Tuvalu, Marshall Islands, at Fiji. Nakakaranas naman ang mga bansang katulad ng South Sudan at Somalia sa Africa ng matinding tagtuyot. Tayo dito sa Pilipinas, maliban sa magtinding panahon ng tag-init, mas malalakas na bagyo ang nararanasan natin taun-taon. Nagdudulot ang mga extreme weather events na ito ng krisis sa pagkain at banta sa ating kaligtasan, ari-arian, at buhay.
Sa kabila ng mga ito, mabagal ang tugon ng buong mundo sa climate change. Kahit may mga pandaigdigang pag-uusap sa pamamagitan ng United Nations Framework Convention on Climate Change, patuloy ang pagsusunog natin ng fossil fuels para lumikha ng enerhiya. Walang habas ang pagsira sa mga kabundukan—pinuputol natin ang mga puno at patuloy ang mapaminsalang pagmimina. Nawawalan ng tirahan ang maraming hayop at halaman na nauuwi pa sa pagka-extinct ng ilan. Hindi rin maubus-ubos ang ating basura, lalo na ang plastic.
Kaya napakaakma ng tema ng Season of Creation ngayong taon: “Peace with Creation!”. “Kapayapaan sa Sangnilikha!”
Ang kapayapaan ay bunga ng katarungan. Sinasabi sa Isaias 32:17-18, “Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan at ito’y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman. Ang bayan ng Diyos ay mamumuhay sa isang payapa, ligtas, at tahimik na pamayanan.” Hindi magkakaroon ng kapayapaan kung walang katarungan o hangga’t may mga nilikha ang Maykapal—tao man o kalikasan—na yinuyurakan ang dangal.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang kapayapaan ay kailangang linangin araw-araw nang may paghahangad na tuparin ang kalooban ng Diyos. Mangingibabaw ang kapayapaan kung pipiliin natin ito at kung tutupdin natin ang tungkulin nating itaguyod ito. Kaakibat nito ang pagtiyak sa karangalan ng sangnilikhang nagbibigay-puri din sa Panginoon. Kapag hinahayaan nating masira ang kalikasan, nagiging bahagi tayo ng kawalang-katarungan. Kung walang katarungan, magiging mailap din ang kapayapaan. Tayo rin ang babalikan ng pagpapabayáng ito.
Mga Kapanalig, ang Season of Creation ay hindi lamang tungkol sa mga seremonyang idadagdag natin sa ating mga gawain bilang mga Katoliko. Tanda ang mga ito ng malalim nating pananagutan para tumugon sa pagtangis ng sangnilikha. Araw-araw, sa abot ng ating makakaya, panatilhin natin ang kapayapaan sa pagitan nating mga tao at ng kalikasan.
Sumainyo ang katotohanan.






