1,670 total views
Ang mga katutubong Pilipino ang inspirasyon ni Dr. Carmelita Ngan-Oy sa pagkakaroon ng kauna-unahang pagamutan sa bansa para sa mga indigenous people o mga katutubo.
Bilang unang doktor sa Indigenous People’s Hospital (IPH), ibinahagi ni Ngan-Oy ang kanyang naging karanasan sa pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga katutubong namumuhay sa bundok na hindi naaabot ng modernong medisina.
“Ako po ay nakatira rin sa bundok kagaya ng mga ibang natives and nakita ko po yung pangangailangan nila especially sa health services so ito po yung nag-inspire sa akin… Ang Indigenous People’s Hospital ay naipatayo para ma-address yung mga needs ng mga indigenous people na nakatira sa bundok dahil sila po yung hindi napupuntahan ng health services na program ng government,” kuwento ni Ngan-oy sa Radio Veritas
Binuksan sa publiko noong 2012, ang Indigenous People’s Hospital sa Nueva Viscaya na pangunahing nangangalaga sa kalusugan ng mga katutubong Pilipino kabilang na ang mga Ibaloi, Ifugao at iba pang mga tribo sa karatig-lugar.
Isinalaysay pa ng doktora na hindi naging madali ang kanyang paglilingkod partikular na ang pagtuturo sa mga katutubo ng basic health education dahil may pinaniniwalaang mga ritual o seremonyas sa pagagagamot ang mga ito.
“Maraming challenges. Yung culture and practices nila ay napakastrong pa rin so you have to educate them. Yung mga nakatira sa mga lugar na hindi exposed sa development, sila talaga yung nagpa-practice pa rin ng rituals bago nila dalhin sa hospital, severe na yung patient.” ani Ngan-Oy.
Sa kasalukuyang ay bukas ang IPH hindi lamang sa mga indigenous people kundi maging sa sinuman nangangailangan ng tulong medikal.
Ipinagdiriwang ngayong araw ang International Day of the World’s Indigenous People bilang pagkilala sa mga katutubo sa iba’t-ibang panig na mundo at pag-alala sa kanilang mayamang kultura.
Una nang pinuri ng Kanyang Kabanalan Francisco ang 370-milyong indigenous peoples sa buong mundo dahil sa kanilang natatanging ambag sa silibisasyon at kasaysayan ng sangkatauhan.