36,725 total views
Nagpasa ng petisyon sa Malacañang ang mga katutubong Tuwali ng Barangay Didipio sa Kasibu, Nueva Vizcaya upang manawagang ihinto na ang Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) sa pagitan ng pamahalaan at OceanaGold Philippines, Inc.
Pinangunahan ni Didipio Barangay Captain Erenio Boboolla at mga pinuno ng Didipio Earth Savers Multi-Purpose Association (DESAMA) ang pagpapasa ng petisyon sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon sa petisyon, nilabag ng OceanaGold ang Section 26 at 27 ng Local Government Code (LGC) na ipinag-uutos ang pangkalahatang konsultasyon kasama ang lokal na pamahalaan, pamayanan, at mga katutubo bago pahintulutan ang proyekto.
“Clearly, a prior consultation with nongovernmental organizations and other sectors, and the local government units’ approval, must be secured before the renewal. Lamentably, these twin requirements were not observed in connection with the FTAA renewal,” ayon sa magkakasamang pahayag ng mga nagpasa ng petisyon.
Matagal nang tinututulan ng mga lokal na opisyal at pamayanan ng Kasibu ang pagmimina na nagdulot na ng malawakang pagkaubos ng tubig na nakaapekto na sa irigasyon sa mga palayan.
Bago magsimula ang operasyon ng OceanaGold sa Didipio, umaabot pa sa 15-libong kilo ng palay ang inaani ng mga magsasaka, ngunit ngayo’y aabot na lamang sa apat na libong kilo.
Kasama naman ng mga katutubong Tuwali sa pagpapasa ng petisyon ang Legal Rights and Natural Resources Center (LRC).
Kabilang sa usaping pangkalikasan na patuloy na tinututukan ng Diyosesis ng Bayombong ang mapaminsalang pagmimina sa Nueva Vizcaya.
Una nang inihayag ni Bishop Jose Elmer Mangalinao na ang nakikitang benepisyo ng pamahalaan sa pagmimina ay malayo sa mga nararanasan ng mga katutubong pamayanan na higit pang naghihirap dahil sa pinsalang dulot nito.