76,539 total views
Ang Pilipinas, kapanalig, ay siksik, liglig, at at nag-uumapaw sa ganda, kultura, at kasaysayan. Bawat sulok ng ating archipelago ay may iba ibang kwento at kasaysayan, iba’t ibang bidang tourist spots, at iba ibang gawi at kultura. Ang diversity at ganda na ito ay ilan lamang sa mga rason kung bakit kinagigiliwan tayo ng maraming mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Dahil dito, ang industriya ng turismo ng ating bansa ay patuloy na lumalago at tumutulong sa ating ekonomiya.
Kaya lamang, ang turismo ay isa sa mga industriya ng ating bansa na lubhang naapektuhan ng mga lockdowns mula sa pandemya. Ngayong unti unti na itong bumabangon, huwag sana nating sayangin ang pagkakataon na mas lalo pang pasiglahin ang turismo sa Pilipinas.
Isa sa mga hadlang sa pagyabong pa ng turismo sa ating bayan ay ang sobrang bigat ng traffic sa maraming mga urban centers sa ating bayan. Kapanalig, ang mga turista ay nagpupunta sa ating bayan upang magrelax, pero dahil sa traffic, naii-stress pa sila, sa halip na mag-enjoy.
Kaugnay nito, ang inaccessibility ng ating public transport ay malaking hadlang din sa paglago ng turismo. Alam niyo kapanalig, sa ibang mga bansa, konektado ang iba ibang modes of transportation, at napakadali, halimbawa, na sumakay ng bus o tren at lumipat pa sa ibang uri ng transport. Dito sa ating bayan, ang mga pribadong sasakyan ay inaagaw pa pati dedicated lanes for buses. Ang pagsakay din ng tren ay nangangahulugan ng pagpila ng napakatagal kahit na mainit o maulan.
Ang estado rin ng ating mga paliparan o airports ay hadlang din sa paglago ng turismo sa ating bayan. Tandaan sana natin na ang mga ports ang unang-unang lugar na napupuntahan ng mga bisita. Kung hindi maganda ang kanilang airport experience, masisira agad ang kanilang bakasyon, pati ating imahe. Kaya dapat lamang na tutukan hindi lamang ang mga imprastraktura dito, kundi pati ang personnel.
Ang mga hadlang na ating nabanggit ay ukol pa lamang sa mga transportasyon ng mga turista tungo sa kanilang pupuntahan sa ating bayan. May mga nagsasabi na maari ng pagpasensyahan na ito dahil hindi naman ito ang mga sadya ng turista. Pero kapanalig, pagdadaanan nila lahat ito, at kung hindi maganda ang kanilang karanasan, baka hindi na sila umulit. Liban dito, nais natin iparamdam sa turista hindi ba, ang fiesta at relaxed atmosphere sa ating bayan. Kung laging traffic at mapila ang mga dadaanan nila, prusisyon ang ating pinadarama, hindi saya.
Isipin natin kapanalig na ang turismo ay malaki ang ambag sa ating bayan. Nagbibigay ito at naglilikha ng mga trabaho sa maraming Pilipino. Nagtutulak ito sa marami nating mga kababayan na maging entrepreneurs. Nakikila ang ating mga LGUs at buong bayan dahil sa ganda ng ating kalikasan. Huwag nating sayangin ito.
Upang mapanatili ang paglago ng turismo sa bansa, hindi lamang ang ating kalikasan ang ating kailangang pangalagaan. Kailangan din natin isaayos ang urban development sa ating bansa, partikular na ang transport sektor, na integral sa industriya ng turismo. Ayon sa Laudato Si, unhealthy na ang ating mundo dahil sa urban chaos, poor transportation, and visual pollution and noise.” Lahat ng ito ay balakid hindi lamang sa turismo, kundi sa quality of life ng mga mamamayan at bisita ng bansa. Sana ay tugunan natin agad ang problemang ito.
Sumainyo ang Katotohanan.