275 total views
Kawalang karapatang sa usaping-panlipunan, pagnanakaw sa dignidad
Maituturing rin na pagnanakaw sa dignidad ng mga mamamayan ang pagtanggal sa karapatan ng makibahagi sila sa mga usaping panlipunan.
Ayon kay Rev. Fr. Atillano ‘Nonong’ Fajardo, Head – Public Affairs Ministry ng Archdiocese of Manila at Lead Convenor ng Huwag Kang Magnakaw Movement, ang pagnanakaw ay hindi lamang usapin ng mga materyal na bagay kundi maging sikolohikal, emosyunal at pangpisikal na estado ng tao.
“Kasama ng pagnanakaw ng dignidad ng bawat Filipino ay ang pagpatay sa kanyang kagalingan bilang kabahagi ng isang mas malaki pang mundo which is basically ang ating pinakamamahal na bayan..” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Fajardo, sa panayam sa Radio Veritas.
Una nang ibinahagi ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang “Huwag kang Magnakaw” campaign ay naglalayong muling buhayin ang kultura ng katapatan ng bawat isa at talikdan ang anumang uri ng pagnanakaw sa lipunan batay sa Ika-Pitong Utos ng Panginoon.
Magugunitang binigyang diin rin ng Santo Papa sa kanyang pagbisita sa Pilipinas noong Enero ng nakalipas na taon ang paglaban sa kahirapan na isang aniyang salik sa patuloy na hirap na nararanasan ng mga mamamayang Pilipino, kung saan hinamon nito ang lahat ng sektor ng lipunan na talikdan at iwasan ang anumang uri ng kurapsyon at katiwalian na umaangkin sa pondong nararapat para sa mga mahihirap.
Batay nga sa pag-aaral ng IBON Foundation, umaabot sa P2-trilyon sa loob ng tatlong taon ang nasasayang na buwis ng mga mamamayan dahil sa katiwalian sa pamahalaan.