169 total views
Nakikidalamhati ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau dahil sa masaklap na sinapit nang dalawa nilang kababayan sa kamay ng mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG).
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos,ang ginawang pagpugot ay hindi sumasalamin sa tunay na mukha ng ugali ng mga Pilipino kundi isang udyok lamang ng maling ideyolohiya o paniniwala.
Umaasa naman si Bishop Santos na ang pagkakaibigan ng bansa sa Canada ay mapapanatili at mapapatatag pa sa gitna ng pagpaslang kina John Ridsdel at Robert Hall.
“Tayo ay nakikiramay sa bansang Canada at para sa atin hindi ito ang larawan ng tunay na mukha ng Pilipino at hindi ito ang larawan ng Pilipinas. Tayo ay umaasa at ang ating pag – asa na yung ating pakikipag – kaibigan sa bansang Canada ay higit pang maging matatag at hindi mawawala, hindi mababawasan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nagpa – abot naman ng panalangin si Bishop Santos sa mga kaanak ni Hall na magkaroon ng katatagan sa gitna ng kawalan ng isang miyembro ng kanilang pamilya.
“Panalangin natin sa mga naiwan na magkaroon ng katatagan ng kalooban higit na manalig sa Diyos at panalangin sa kaluluwa ni Robert Hall na siya ay makapasok sa kaharian ng Diyos at kanyang makamit ang buhay na walang hanggan at gantimpala ng Diyos,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Nabatid na ang mga Pilipino ang pinakamaraming migrante sa bansang Canada na mayroon nang mahigit 700 libong populasyon na naninirahan at nagta – trabaho roon.
Nauna na ring nanindigan ang Simabahan na suportado nito ang “no ransom policy” na kapag nagbayad ng ransom ay lalo lamang dadami ang makikilahok sa ganitong aktibidad habang kung walang ransom, ang maiiwan lamang ay ang core group ng mga terorista.